SPECIAL EXAM SA EDUCATION GRADUATES INIHIRIT

PINABIBIGYAN ng special exam ni Senador Imee Marcos ang mga nakapagtapos ng kursong edukasyon na hinarang na makakuha ng licensure exam ngayong Hunyo at Setyembre.

Naunang inanunsiyo ng Professional Regulation Commission na wala munang Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT) para sa graduates ng taong 2021 at 2022.

Ayon sa PRC, sa nasabing batch inumpisahan ang bagong Education Curriculum kung kaya’t kailangan i-adjust ang nasabing licensure exam na itinakda naman sa March 2023.

Pero ipinunto ni Marcos, Chairman ng Senate Committee on Economic Affairs na sa pag-atras ng licensure exams ay maantala lamang ang nililikhang trabaho at pagkakakitaan ng mga nais maging guro.

Inihalimbawa niya ang Career Executive Servicr Board at iba pang professional regulatory board na nagsasagawa ng mga online eam na pwedeng gawing ‘template’ o gayahin LEPT

Magugunita, noong nakaraang taon, napilitang idaos ang LEPT sa maliliit na grupo.

Ngunit sinabi ni Marcos na maaari na ngayon ang special exam sa harap ng lumulutang na kaso ng pandemya.

Babala ni Marcos, mas lalala ang backlog ng mga examinee kung hindi maisasagawa ang special exam ngayong taon. LIZA SORIANO