SPECIAL EXCLUSIVE REGISTRATION PARA SA PWDs, SENIOR CITIZEN ITINAKDA

COMELEC

MAGDARAOS ang pamunuan ng Commission on Elections (Comelec) ng special exclusive registration para sa mga taong may kapansanan o persons with disabilities (PWDs) at mga senior citizen sa Miyerkoles, Setyembre 5, 2018.

Sa paabiso ng Comelec, nabatid na ang special exclusive registration ay isasagawa sa lahat ng tanggapan ng mga election officer sa buong bansa.

Inaasahang tatanggap ng  bagong registrants, reactivation ng voters’ registration, transfer, at correction o change of entries ang poll body sa naturang araw.

Pinaalalahanan naman ng Comelec ang  new registrants, at nais magpa-reactivate o magpa-transfer ng rehistro, na magdala ng kanilang pagkakakilanlan o identification (ID) cards, tulad ng company o student ID, driver’s license, senior citizen’s ID, postal ID, SSS/ GSIS ID, NBI clearance, passport, o PWD ID, sa pagpaparehistro.

Ang mga magpapa-change o correction of entries naman ay dapat na magdala ng birth certificate kung ang kanilang rekord ay may erroneous entries o typographical error, sa kanilang pangalan, petsa ng kapanganakan, o lugar ng kapanganakan.

Marriage contract naman ang dapat na dalhin kung ang dahilan nang pagpapapalit ng pangalan ay dulot nang pagpapakasal.

Ayon sa poll body, ang pagdaraos ng special registration ay bahagi ng ginagawa nilang paghahanda para sa nalalapit na pagdaraos ng National and Local Elections (NLE) sa Mayo 13, 2019.

Matatandaang Hulyo 2, 2018 nang muling buksan ng Comelec ang nagpapatuloy na registration process sa bansa, at magtatagal ito hanggang sa Setyembre 29, 2018. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.