SPECIAL LANE INILAAN NG LTO PARA SA SASAKYANG PASO NA ANG REHISTRO

MAGLALAGAY ang Land Transportation Office (LTO) ng mga espesyal na lane para sa mga sasakyang paso na ang rehistro.

Ipinag-utos ni Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II sa lahat ng Regional Director at pinuno ng mga district office ang naturang hakbangin upang mairehistro ang humigit-kumulang 24.7 milyong sasakyan at motor na expired na.

Ayon pa kay Mendoza, ang direktiba ay bahagi ng “Oplan Balik Rehistro, Be Road Ready” na inaprubahan ni Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista at ipinakalat sa lahat ng opisyal ng LTO sa pamamagitan ng isang memorandum.

Saklaw ang humigit-kumulang 24.7 milyong sasakyan na karamihan ay mga motorsiklo bilang mga delingkwenteng sasakyang na may klasipikasyong expired ang rehistro na hindi bababa sa isang taon na kumakatawan sa 65% ng mga sasakyan sa bansa.

Nagsasagawa ng agresibong law enforcement operations ang ahensya ng “No Registration, No Travel” policy kung saan ang mga mahuhuli na sasakyan na expired na ang lisensya ay papatawan ng matitinding parusa kabilang ang P10,000 na multa na nagresulta sa daan-daang naka-impound ng mga sasakyan.

Bukod sa programang ito, nauna nang ipinag-utos ni Mendoza ang pagsasagawa ng “One Stop Shop/Service Caravan/Outreach Program” na naglalayong ilapit sa mga tao ang mga tanggapan ng LTO, partikular ang pagpaparehistro ng mga delingkwenteng sasakyan. PAULA ANTOLIN