SPECIAL POLLING PRECINCTS PARA SA MGA KATUTUBO

SINIGURO ng Commission on Elections (Comelec) na lahat ng mga Pilipino, anomang pangkat etniko ang kinabibilangan nito basta rehistrado ay makaboboto.

Sinabi ni Comelec Commissioner Atty. Erwin George Garcia na maglalagay sila ng special polling precint para sa mga katutubo o tinatawag na indigenous peoples sa mga lugar na marami ang presensiya ng mga ito o malaki ang populasyon.

Ayon kay Garcia, maglalagay sila ng mga tao rito na mangangasiwa sa eleksiyon na nauunawaan ang kultura at dialect ng mga katutubo o IPs.

Ito aniya ay para maging maayos at walang maging problema sa pagboto ng ating mga katutubo.

Tinatayang kumakatawan sa pagitan ng 10% hanggang 20% ng kabuuang populasyon ng bansa ang mga katutubo.

Samantala, maliban sa special polling precints para sa mga katutubo, mayroon din namang emergency polling precints sa unang palapag ng polling center para sa mga nakatatanda, persons with disabilities o PWD at mga buntis.

Ito ay para hindi na umakyat pa at mahirapan ang mga ito patungo sa kanilang orihinal na presinto kung nasa 2nd floor o 3rd floor man ito nakalagay.

Bukod pa ito sa isolation polling precints na para naman sa mga botanteng magpapakita ng sintomas ng sakit tulad ng lagnat, ubo at sipon, kapag nasa polling centers na sila para bumoto. Jeff Gallos