SPECIAL PROGRAM FOR EMPLOYMENT OF STUDENTS (SPES) | Pilipino Mirror Pilipino Mirror
alex santos

SPECIAL PROGRAM FOR EMPLOYMENT OF STUDENTS (SPES)

SUMMER na naman at tumitindi na ang init.

Mahapdi sa balat ang sikat ng araw.

Ito ang panahon ng mga estudyante upang makapagpahinga makaraan ang puspusang pagre-review at pagpupuyat sa paggawa ng mga takdang-aralin at proyekto sa eskuwelahan.

Subalit mas masarap isipin na sa paggugol ng bakasyon ay magiging produktibo at makabuluhan ang mga araw na daraan para sa kanila.

Mahirap ang buhay ngayon kaya ito ang tamang oras upang magtrabaho at kumita para sa sarili at makaipon para magamit sa susunod na pasukan nang makatulong sa mga magulang.

Paraan din ito upang mapaunlad ang sarili at magkaroon ng mga bagong karanasan na hindi lamang natututunan sa apat na sulok ng silid-aralan.

Kaya sa paghubog ng administrasyon ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa mga kabataan upang sila ay maging produktibo kada bakasyon, isinasagawa ang Special Program for Employment of Students (SPES), sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE), na siyang nangunguna sa pagsasakatuparan ng programang naturan.

Isa ang SPES sa mga programang pangkabataan ng DOLE na naglalayong bigyan ang mga benepisyaryo ng oportunidad na makapagtrabaho tuwing bakasyon o tuwing Pasko o anumang panahon para matulungan silang ipag­patuloy ang kanilang pag-aaral sa alinmang sekondarya, kolehiyo o tech-nical-vocational institution.

Kung matatandaan, sa inamyendahang batas ng SPES o Republic Act No. 10917, itinaas ang kuwalipikadong edad ng aplikante mula 15 hanggang 25 taon ng 15 hanggang 30 taon habang mas pinalawak din ang programa hindi lamang sa mahihirap ngunit sa karapat-dapat na estudyante.

Saklaw rin nito ang mga out-of-school youth o ang mga hindi naka-enrol sa pormal na edukas­yon o sa alinmang training institution at sa mga de-pendent na estudyante o out-of-school youth ng mga manggagawang nawalan o mawawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng negosyo, pagpapatigil ng trabaho o dahil sa kalamidad.

Sinasabing ang 60 porsiyento ng sahod ng estudyanteng benepisaryo ay manggagaling sa employer (pribado o pampubliko) samantalang sasagutin ng pamahalaan ang natitirang 40 porsiyento, bilang kabayaran.

Malaking bagay ang programang ito.

Maliban kasi sa pagkakaroon ng kita ng mga kabataan, madaragdagan pa ang kanilang karanasan at kaalaman at namumulat sa importansya ng pag-tatrabaho nang mabuti.

Sa pamamagitan din ng SPES, nahuhubog ang mga kabataan kung paano maging masinop na kumita ng pera, ma­ging responsable o ma­ayos sa bawat ginagawa, magkaroon ng mga kaibigan na tutulong at tutulungan sa mga gawain.

Napapaunlad din ang kanilang kakayahan, nagkakaroon ng mga bagong karanasan sa labas ng silid-aralan at naipapakita sa kanila ang kahalagahan ng edukasyon at karanasan upang magampanan ang tungkulin sa lipunan.

Iyan ang tunay na serbisyo publiko na nais ipamana ng pamahalaan sa mga kabataan.

Ipinamamalas din ng programang ito ang taal na pagsisilbi sa bayan na hindi hadlang ang edad o munting karanasang taglay, kundi ang tunay na pagtulong sa kapwa, pakikiisa at maging isang responsableng mamamayan ng bansa.

Tandaan na sila ang kabataang sinasabi ni Gat Jose Rizal noon na siyang pag-asa ng bayan at sila pa rin hanggang ngayon.

oOo

Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas 6 ng umaga; IZ Balita Nationwide Pang-umagang edisyon (7am-8am) at kasalukuyang host ng Public Service program sa PTV 4 ang KILOS PRONTO, tuwing alas-4 y medya hanggang alas-5 y medya ng hapon Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood ni’yo rin ako sa PTV NEWS araw-araw dakong ala-6 ng gabi. Ipadala ang inyong komento at reaksiyon sa lupaxsantos1@yahoo.com o puwede niyo akong i-follow sa twitter account @iamalexsantos

0

POST A COMMENT

Your email address will not be published. Required fields are marked *

ADS