NAIS ng ilang party-list at sectoral groups na magkaroon ng special random manual audit sa party-list votes.
Ang kahilingan ay ginawa ng grupo, sa pangunguna ni dating Commission on Human Rights (CHR) chairperson na si Loretta Ann ‘Etta’ Rosales, ng Akbayan party-list, sa dalawang pahinang petisyon na isinumite nila sa Commission on Elections (Comelec) nitong Biyernes at naka-address kay Commissioner Luie Tito Guia na siyang head ng Random Manual Audit (RMA) Committee.
Hiling din ng grupo na kung mapagbibigyan ang kanilang petisyon ay mabigyan sila ng pahintulot na maging observer o tagamasid ng gagawing proseso.
“The undersigned are petitioning your office, as head of the RMA process, to conduct a special random manual audit for party-list votes in the 13 May 2019 national and local elections,” bahagi ng liham.
Idinahilan nito sa kanilang kahilingan ang malawakang insidente ng umano’y ‘discrepancy’ sa pagitan ng mga boto sa mga balota at resulta na makikita sa vote verification paper audit trail (VVPAT), disenfranchisement ng mga voters dahil sa pagpalya ng mga vote counting machines (VCMs) at Secure Digital (SD) cards, at mga ulat ng misprinted ballots.
Naniniwala ang grupo na ang mga party-list representatives ay dapat din sumailalim sa kahalintulad na proseso ng beripikasyon dahil ang mga ipo-proklamang nominado ay magiging miyembro rin naman ng mababang kapulungan ng Kongreso, at co-equal ng mga district representatives na ang mga boto ay sasailalim sa RMA.
“Furthermore, the undersigned is petitioning your office to permit representatives from party-list groups to observe the special RMA process for party-list votes,” nakasaad pa sa petisyon.
“We submit this petition in hopes of ensuring the transparency and credibility of the 2019 election results,” anito pa.
Bukod kay Rosales, kabilang sa mga lumagda sa petisyon sina Jeza Rodriguez ng Student Council Alliance of the Philippines, Joshua Noguit ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, BJ Mercado ng College of Commerce and Business Administration Student Council, Rene Cerilla ng PAKISAMA, Jego Antonio Yap, ng USAD AdMU, Lanee dela Cruz ng DLSU-Tapat, Julian Troy Tarriela, ng Sanggunian ng mga Mag-aaral ng Paaralang Loyola ng Ateneo de Manila, Libery Macalinao ng NUWHRAIN, Rodrigo Bengzon, USAD-AdMU, Isabelle Beatriz Ginez ng UP ALYANSA at Rafaela David ng Center for Youth Advocacy and Networking.
Nitong Miyerkoles, Mayo 15, ay pormal nang sinimulan ng Comelec ang RMA kung saan mano-manong bibilangin ang mga boto sa pagka-senador, kongresista at mga alkalde, upang matukoy kung tugma ang mga boto sa balota, mula sa mga botong inilabas ng mga vote counting machines (VCMs).
Sa pagtaya ni Guia, posibleng matapos nila ang proseso ng RMA sa katapusan ng buwan ng Mayo. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.