SPICY PORK FRIED RICE

SPICY PORK FRIED RICE

NAPAKASARAP nga naman ang kumain. Walang makatatagal nang hindi kumakain sa isang araw. May ilan pa nga sa ating mula agahan hanggang hapunan, kaila­ngang may kanin.

Kunsabagay, iba-iba rin ang trip ng marami sa atin. May ilan na kanin talaga ang gusto. Ang iba naman, okey na ang pasta o kaya sandwich.

Pero dahil mas lamang ang kanin na kinahihiligan ng marami, hindi na rin mabilang ang mga lutuing kanin ang pangunahing sangkap. Hindi rin nawawala sa bawat handaan ang kanin. Mas ma-e-enjoy rin kasi natin ang iba’t ibang ulam kung mayroong kanin. Marami rin sa atin ang hindi nabubusog nang walang kanin.

At dahil diyan, lagi’t laging present sa mga handaan ang plain o steamed rice. Pero hindi lang pala ito sa mga handaan o may okasyon, matitikman kundi sa araw-araw. Kumbaga, mula agahan, tanghalian hanggang hapunan. May iba pa ngang sa merienda, gusto rin ay kanin.

Pero kung nag-iisip ka ng ibang way bukod sa simpleng paghahanda ng kanin, puwede mong subukan ang Spicy Pork Fried Rice.

Hindi nga lang naman ito swak orderin sa mga restaurant. Swak na swak din itong ihanda kapag may pagdiriwang o sa pamilya.

Sa tuwing may handaan nga naman, hindi maiiwasan ang pag-iisip ng iba’t ibang handa na bago sa pani­ngin ng ating pamilya’t bisita. Gaya na nga lang ng Spicy Pork Fried Rice. Oo nga’t nabibili o na-o-order ito sa mga restaurant. Ngunit puwedeng-puwede  rin itong lutuin sa bahay. Bukod sa makatitipid ka na, mas mapasasarap mo pa ito.

Hindi lamang din pork ang puwede mong isama sa simpleng fried rice. Puwede ring chicken, beef o seafood.

Sa mga excited diyan at gustong subukan ang pagluluto ng Spicy Pork Fried Rice, ang mga sangkap na kakailanga­nin natin sa paggawa nito ay ang olive oil o kahit na anong klase ng mantika, ground pork, sibuyas, bawang, asin, paminta, toyo, itlog, bell pep-per, frozen mix vegetable, kanin, spring onions at chili-garlic sauce.

PARAAN NG PAG­LULUTO:

Ihanda lahat ng mga kakailanganing sangkap. Kapag naihanda na ang mga sangkap, magsalang na ng kawali, painitin ito. Kapag mainit na ay lagyan na ng mantika. Ilagay na rin ang sibuyas at bawang.

Pagkatapos ay isama na ang giniling na baboy, asin at paminta saka lutuin. Kapag naluto na, isama na rin ang bell pepper at frozen mix vegetable. Lutuin ulit ng ilang minuto.

Kapag naluto na ito, ilagay na rin ang kanin at haluing mabuti. Timplahan ng toyo, chili-garlic sauce. Tikman. kapag okey na ang lasa, basagan na ng itlog. Haluin ulit. Bago pagsaluhan, budburan muna ng hiniwa-hiwang spring onions.

Napakasimple nga lang naman ang paggawa ng nasabing lutuin. Kung hindi ka naman mahilig sa karne, maaari namang vegetables lang ang gamitin mo. Ang iba rin ay nilalagyan ito ng bagoong para mas ma­ging masarap.

Puwede rin naman itong lagyan ng iba pang gulay gaya ng broccoli.

Sa totoo lang, napakaraming simpleng lutuin na maaari nating subukan ngayong holiday o kahit na walang okasyon.

Hindi naman na­nga­ngahulugang mag­luluto ka ng kakaiba at masarap, gagastos ka na ng malaki. Dahil kung mag-iisip ka lang at magiging madiskarte, makapaghahanda ka ng masarap sa abot-kayang halaga. CT SARIGUMBA

Comments are closed.