SPIKERS’ TURF: BUENA MANO SA CIGNAL

Mga laro bukas:
(Paco Arena)
2:30 p.m. – Sta. Elena-NU vs Army
5:30 p.m. – Ateneo-Fudgee Bar vs Navy

BINUKSAN ng Cignal ang Spikers’ Turf na nagbalik mula sa mahabang pahinga sa pamamagitan ng 25-17, 25-15, 25-22 sweep sa Sta. Rosa kahapon sa Paco Arena.

“For the longest time, for almost three years na walang liga, sobrang challenging para sa mga coaches para sa players kasi sobrang uncertain kung may men’s volleyball, lahat naka-focus sa women’s,” masayang pahayag ni HD Spikers coach Dexter Clamor.

“Sobrang happy kami na finally, after almost three years, meron nang men’s volleyball. Of course, nagpapasalamat kami sa organizers na pinagtiyagaan na magkaroon ulit ng men’s volleyball,” dagdag pa niya.

Nanguna si JP Bugaoan para sa HD Spikers na may 8 points, kabilang ang 3 blocks, habang gumawa si Marck Espejo ng 2 service aces para sa seven-point outing.

Sa kanyang unang domestic match magmula nang pangunahan ang Pilipinas sa makasaysayang silver medal sa 30th Southeast Asian Games, masaya si Espejo na maglaro sa harap ng local fans.

“In the last three years, active ako sa volleyball, pero sa abroad nga lang. Pero masaya ako na naglaro ako dito sa Cignal at mag-represent ng Cignal,” sabi ni Espejo.

“Hindi lang ako masaya para sa team ko kasi pa rin sa lahat ng players na magpa-participate dito sa Spikers’ Turf. Lahat puro gigil. Lahat gustong maglaro dahil sa matagal na walang liga,” dagdag pa niya.

Ginagamit ng Sta. Rosa ang Spikers’ Turf bilang paghahanda nito sa ASEAN School Games sa November, kung saan kakatawanin ng Laguna-based team ang bansa.

“Ang main goal po namin ay para manalo and at the same time, maka-earn ng mas magandang knowledge ang mga bata. Napakagandang experience,” sabi ni Lions coach Edward Jan Lirio.