SPIKERS’ TURF: CIGNAL, PGJC-NAVY AGAWAN SA HULING FINALS BERTH

Standings W L
*NU-Sta. Elena 2 0
Cignal 1 1
PGJC-Navy 1 1
VNS 0 2
*finalist

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
2:30 p.m. – VNS vs NU-Sta. Elena
5:30 p.m. – PGJC-Navy vs Cignal

PAG-AAGAWAN ng Cignal at PGJC-Navy ang nalalabing Finals berth sa Spikers’ Turf Open Conference ngayon sa Paco Arena.

Hindi pa matiyak kung lalaro si Marck Espejo sa 5:30 p.m. duel sa Sea Lions, subalit nakahanda si Louie Ramirez na palitan ito kung sakali para sa HD Spikers.

“Always prepared naman po,” pahayag ni Ramirez, na umiskor ng match-best 16 points sa 25-20, 26-24, 25-18 panalo ng Cignal kontra VNS noong Sabado ng gabi.

Ang magwawagi sa huling fsemifinal match ay makakaharap ng NU-Sta. Elena sa best-of-three championship series simula sa Huwebes.

Target ng Nationals ang three-match semifinals sweep sa pagsagupa sa Griffins sa 2:30 p.m. curtain raiser.

Iniinda pa ni Espejo ang epekto ng bahagyang heel injury na kanyang natamo noong nakaraang linggo, nakahanda si coach Dexter Clamor sa maaaring mangyari.

“Sana makalaro siya sa Tuesday,” sabi ni Clamor patungkol sa kalagayan ni Espejo. “It’s a do-or-die game for us. Paghahandaan namin ang rotation nila (Sea Lions), pag-aaralan namin set plays nila at ‘yung pang-counter attack against them. Sobrang detalyadong pag-aaralan namin ito.”

Naputol ang five-match winning streak ng PGJC-Navy kasunod ng 21-25, 17-25, 24-26 loss sa NU-Sta. Elena noong Sabado, kung saan nalimitahan si Jao Umandal sa season-low 10 points.

Selyado na ang Finals berth, asahan ang pag-eeksperimento ng Nationals sa kanilang rotation at plays.