SPIKERS’ TURF: SEMIS AASINTAHIN NG GRIFFINS

Standings W L
*NU-Sta. Elena 4 0
*Cignal 4 1
*PGJC-Navy 3 1
VNS 2 2
Santa Rosa 1 4
Ateneo 1 4
Army 1 4
*semifinalist

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
2:30 p.m. – VNS vs PGJC-Navy
5:30 p.m. – Ateneo vs NU-Sta. Elena

SISIKAPIN ng VNS-One Alicia na masungkit ang huling semifinals berth sa pagsagupa sa PGJC-Navy sa Spikers’ Turf Open Conference ngayon sa Paco Arena.

Sa kabila ng two-match losing skid, kontrolado pa rin ng Griffins ang kanilang Final Four destiny dahil kailangan lamang ng tropa ni coach Ralph Ocampo na talunin ang Sea Lions sa 2:30 p.m. match upang kumpletuhin ang semis cast.

Ang NU-Sta. Elena (4-0), Cignal (4-1) at PGJC-Navy (3-1) ay pasok na sa semifinals.

Makaraang simulan ang season sa back-to-back five-setter victories, nalasap ng VNS ang magkasunod na straight-set losses, na nagbigay sa Santa Rosa, Ateneo-Fudgee Barr at Army-Katinko, pawang may 1-4 kartada, ng pagkakataon na makapasok sa semis via backdoor.

Haharapin ng Blue Eagles ang Nationals in sa isa pang laro sa alas-5:30 ng hapon.

Mahaharap ang Griffins sa matinding hamon kontra Sea Lions, na galing sa pinakamalaking reversal sa liga nang gapiin ang dating walang talong HD Spikers, 20-25, 25-19, 25-22, 25-23, noong nakaraang Martes.

Lumabas ang angas ng PGJC-Navy kontra Cignal, kung saan humabol ito mula sa eight-point deficit sa fourth set upang iposte ang ikalawang sunod na panalo sa posibleng preview ng best-of-three semis.

Batid ni coach Cecile Cruzada na bagama’t ang Sea Lions ay may solid spiking, kailangan nilang alamin kung paano mapaghuhusay ang kanilang net defense.

“Kailangan naming mag-work out pa talaga ‘yung blockings namin kasi medyo hindi pa gaanong synchronized. Kailangan naming pagtrabahuan iyon hanggang makuha namin iyon,” sabi ni Cruzada.

Sa kanilang huling preliminary match, ang Ateneo ay mapapalaban sa UAAP rival NU, na may ipinagmamalaking roster ng tested veterans at young guns, para mapanatiling buhay ang kanilang pag-asa na makausad sa susunod na round.

Ang Blue Eagles ay yumuko sa HD Spikers, 14-25, 23-25, 22-25, noong nakaraang Huwebes.