SPILLOVER NG KRISIS SA RUSSIA AT UKRAINE PAGHANDAAN NG PINAS

KINAKAILANGAN nang paghandaan ng Pilipinas ang posibleng paglaganap ng epekto ng sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, kailangang panindigan ng gobyerno ang pagsuporta nito sa United Nations General Assembly resolution na nagkokondena sa paglusob ng Russia sa Ukraine.

Kasama rito aniya ang pagpapagamit ng ating mga pasilidad sa mga kakamping bansa tulad ng Estados Unidos.

“Nagpirma na tayo sa UNGA resolution na nakikiisa tayo sa ibang bansa sa pagkondena sa invasion ng Russia sa Ukraine. So dapat lamang na sundan natin sa gawa ang ating salita. Kung sakaling kailangan ang facilities ng Pilipinas, mapa-dagat lupa o ere, tama lang yan,” paliwanag ni Lacson.

Nauna na rin nanawagan si Lacson bilang chairman ng Senate Committee on National Defense and Security na maghanda na sa posibleng epekto ng naturang sitwasyon sa Ukraine.

Dagdag pa ng senador, ngayon pa lang ay dama na natin ang epekto nito sa ating ekonomiya lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Bagama’t umaasa si Lacson na huwag naman sanang magresulta ito sa isang nuclear war, mas mabuti aniya na maghanda ang Pilipinas sa lahat ng posibleng mangyari. LIZA SORIANO