PASAY CITY – HINDI sang-ayon ang bagong talagang Flag Officer in Command ng Philippine Navy na si Rear Admiral Giovanni Carlo Bacordo na humiwalay ang Philippine Marines sa Philippine Navy.
Ayon kay Bacordo, sadyang “magkarugtong sa bituka” ang navy at ang marines kaya “less effective” isa kung wala ang isa.
Paliwanag ni Bacordo ang pagkakaiba ng dalawa, ang Navy ay lumulusob mula sa karagatan at para magawa nila ito ay kailangan nila ang fleet ng Navy.
Kinokonsidera naman aniya ng Navy ang Marines bilang kanilang puwersa para makontrol ang dalampasigan, kaya importante na manatiling magkasama ang Navy at Marines.
Ang pagtutol ni Bacordo sa paghiwalay ng Marines sa Navy ay pareho sa posisyon ng kanyang pinalitang si dating Navy FOIC Vice Admiral Robert Empedrad.
Matatandaang naging isyu ang maagang pagbibitiw sa puwesto ni dating Philippine Marines Commandant Alvin Pareño noong Oktubre 2019 dahil umano sa hindi pagkakaintindihan nila ni Empedrad sa pagnanais ng Marines na magsarili at humiwalay sa Navy.
Magugunitang noong Lunes ay pormal nang umupo bilang ika-38 hepe ng Navy si Bacordo kung saan pinagbilinan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na “take good care of this country!” REA SARMIENTO
Comments are closed.