SPLIT PROJECT NG DAR AT AYUDA MULA SA OVP-DOC

TUNAY ang malasakit at pagmamahal ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa mga mamamayan, kasama ang agrarian reform beneficiaries (ARBs).

Katunayan, sa unang bahagi pa lamang ng kanyang panunungkulan bilang Presidente, aba’y naglalabas agad ito ng direktiba na nagpapataw ng isang taon na moratorium sa pagbabayad ng amortization at interes sa mga pautang ng mga ARBs.

Siyempre, ito’y bilang pagtupad sa kanyang pangako na pagaanin ang pasanin ng mga magsasaka.

Bilang implementing agency, katuwang ni PBBM dito ang Department of Agrarian Reform (DAR).

Sinasabing sakop ng Executive Order (EO) ng Pangulong Marcos ang pagbabayad ng amortization fees at loan interests para sa mga lupang agrikultural na ipinamahagi ng gobyerno sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Kung matatandaan, naipangako ito ni Pres. Marcos sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 2022.

Mantakin ninyo, nagkaroon agad ng katuparan ito.

Sabi nga ni DAR Secretary Conrado Estrella III, paghahanda raw ito ni PBBM para sa posibleng pagpasa ng Kongreso ng isang batas para ilibre na ang mga hindi nabayarang amortisasyon at interes sa pautang sa mga benepisyaryo.

Labis naman ang pasasalamat sa Pangulo ng tinatayang 1,321 ARBs naman mula sa Bohol, Cebu, at Negros Oriental.

Nagkaroon na kasi ng katuparan ang pangarap nilang magkaroon ng sariling lupang sakahan sa tulong ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) project ng DAR.

Nasa 1,171.34 ektarya ng mga lupang pang-agrikultura ang ipinagkaloob sa mga magsasaka sa rehiyon, maliban sa iba pang mga tulong ng DAR alinsunod sa kautusan ni PBBM bilang bahagi ng food security agenda ng administrasyon.

Samantala, ang Office of the Vice President (OVP) naman na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte ay agarang nagbigay ng tulong sa 3,058 na naapektuhan ng dalawang insidente ng sunog sa Quezon City at Zamboanga City.

Ayon sa OVP-Disaster Operations Center (DOC), nasa 909 na pamilya ang naabutan nila ng ayuda.

Kasama raw sa mga pinamahagi nila ay mga pagkain, gamot, at iba pang mahahalagang kinakailangan sa pang-araw-araw ng mga apektadong pamilya.

Sa panahon ng kalamidad at sakuna, talagang laging maaasahan ang OVP-DOC na pinamamahalaan ni VP Sara.