SPORTS ATTRACTIVE SA KABATAAN

BUKOD sa dalawang ginto ni Carlos Yulo at mga medalya ng mga Olympian na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas, ang popularidad din ni EJ Obiena na ngayon ay World’s Number 3 ang nagiging inspirasyon ng mga kabataang Pinoy para mahumaling sa sports.

Hindi lang naman ang mga nabanggit na sports personality ang idol ng mga kabataan ngayon kundi ang lahat ng mga nagiging tanyag sa la­rangan ng sports, noong mga naunang panahon at maging ang banyaga.

Sino ang makakalimot kina Mohammad Ali sa larangan ng boksing, sila Onyok Velasco, lalo na si Manny Pacquiao na tuwing may laban ay humihinto ang mundo.

Sa larangan ng basketball, hindi maikakaila ang koponan ng Crispa at Toyota noon, track and field, Lydia de Vega, swimming, Akiko Thompson, sa billard si Efren Bata Reyes, sa bow­ling, Paeng Nepumuceno sa figure skating si Michael Martinez at Hidilyn Diaz, weightlifter.

Tuwing mag-uuwi sila ng ginto, kaakibat ang karangalan at nakikilala ang Filipino lalo na’t naririnig ang pambansang awit natin na Lupang Hinirang.

Subalit makaraan lamang ang ilang linggo, lipas na sa mga tao.

Ngunit dahil digital age na, buma­gal ang paglimot ng taumbayan sa tagumpay ng ating atleta  dahil maaari silang balikan.

Ngayong nag-uwi ng ginto ni Yulo, sadyang naging excited ang lahat sa kanyang sports at ito ay ang gymnast.

Salamat sa katatapos na Paris Olympics at lahat ng kalahok nito dahil sa kauna-unahang pagkakataoon, buong bansa ang mistulang sumuporta sa kagalakang hatid ng Pinoy Olympians.