SPORTS JOURNALISM AWARD IGAGAWAD NG PSA

KABILANG ang mga iginagalang na colleagues sa sportswriting fraternity sa mga pararangalan sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night sa Lunes.

Igagawad ang Lifetime Award in Sports Journalism kina dating editors Recah Trinidad, Ding Marcelo, Jun Engracia, Al. S Mendoza, Eddie Alinea, at Percy Della, habang ipagkakaloob kina late sports editors Joe S. Antonio at Ernie Gonzales ang hiwalay na PSA Special award.

Ang traditional gala night ng pinakamatandang media organization sa bansa ay nakatakda sa March 6 sa grand ballroom ng Diamond Hotel.

Pinangungunahan ni Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Olympic gold medalist ng bansa, ang mahabang listahan ng 2022 honor roll na kinabibilangan din ng “who’s who” sa Philippine sportswriting.

Si Trinidad ay kilala sa kanyang hard-hitting ‘Bare Eye’ column sa Philippine Daily Inquirer, kung saan kabilang din siya sa early editors noong mid-80s. Hinasa niya ang kanyang craft bilang reporter sa Philippine Herald at Manila Times, bago naging unang feditor ng Tempo, nang una itong ilunsad noong 1982. Nagtabaho rin siya sa Daily Express, Malaya, at Sports Flash.

Produkto ng The Dawn, ang official student publication ng University of the East, si Marcelo ay sports editor ng Bulletin hanggang magretiro siya noong 2017. Sinimulan niya ang kanyang writing career sa Chronicle bago lumipat sa Bulletin, kung saan minsan siyang naging Malacanang beat reporter. Kalaunan ay naging news editor niya ng Tempo, at pagkatapos ay managing editor ng Bulletin.

Isang veteran runner, triathlete, at health buff, si Engracia ay dating news editor ng Philippine Daily Inquirer at nagtrabaho sa Daily Express noong 70s.

Si Mendoza ay isang three-time Palanca Awardee, na sinimulan ang kanyang career sa Bulletin at Panorama. Naging bahagi siya ng Philippine Daily Inquirer kung saan siya naging sports editor. Kasalukuyan siyang nagsusulat ng weekly column sa Business Mirror (That’s All) at SunStar Cebu (All Write).

Si Della ay isa ring grizzled veteran sa sports beat, kung saan nagsimula siya sa ABS-CBN, Times Journal, at Philippine News Agency (PNA) bago nag-migrate sa US at nagtrabaho sa City News Service at sa Los Angeles Herald Examiner. Naging bahagi siya ng California State Service bilang Public Information Officer at nagretiro bilang spokesperson for energy sa ilalim ni dating Governor Arnold Schwarzenegger.

Si Alinea ay dating editor ng PNA, na may extensive experience sa pagsusulat para sa mga publication tulad ng Manila Times, Bulletin, Manila Standard, Journal Group of Publications, Business Mirror, at iba pa.

Samantala, sina Antonio at Gonzales ay kapwa sumakabilang-buhay noong nakaraang taon, subalit nag-iwan din ng indelible legacy sa local sportswriting community.

Si Antonio, 69, ay well-respected, long-time sports editor ng People’s Journal, na sinimulan ang kanyang career sa Times Journal noong mid-70s habang nag-aaral sa University of the East. Isang beloved fan ni late action king Fernando Poe Jr., siya rin ang longest serving treasurer ng PSA.

Samantala, si Gonzales, 78, ay dating sports editor ng Manila Chronicle at itinuturing na isa sa pinakamahusay na Filipino sportswriters. Una siyang nagtrabaho bilang sportswriter sa Daily Express, at nagkaroon ng stints sa Manila Times, at bilang desk editor sa SunStar, Philippine Star, at Philippine Daily Inquirer.