CAMARINES SUR—OPISYAL ng binuksan ng Department of Agrarian Reform (DAR) Bicol ang pinakahihintay na Sports Festival 2024 na may temang “Empowering Men and Women through Sports” sa Fuerte Camsur Sports Complex sa bayan ng Pili nitong Hulyo 3 sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Magugunitang nagkaroon ng soft opening ang event noong Mayo 30, 2024 sa Sagrada Familia, Bogtong sa Legazpi City.
Layon ng tatlong araw na event na pasiglahin ang pakikipagkaibigan at pahusayin ang mga kasanayan sa mga koponan sa iba’t-ibang disiplina sa palakasan na nagtapos nitong Hulyo 5.
Kabilang sa mga kalahok ang DAR Provincial offices ng Albay, Camarines Sur I, Camarines Sur II, Camarines Norte, Catanduanes, Masbate, Sorsogon at ang Regional Office nito.
Sa kanyang pambungad na talumpati, binigyang-diin ng Assistant Regional Director for Administration na si Rodrigo O. Realubit ang pagiging competitive o kayang makipagsabayan sa larangan ng sports.
“In this game or athletic competition, there are losers and winners. However, the value of this event is that when we leave this place, we are all happy as an organization as a DAR family” ayon sa kanya.
Samantala, binigyang-diin ni Regional Director Reuben Theodore C. Sindac ang kahalagahan ng isport at ang papel nito sa pagtataguyod ng kagalingan ng empleyado.
“Let’s preserve this tradition hanggang saan makaabot, especially during the mid-year para if we start it again, we are replenished, we are recharged” ayon kay Sindac.
Itinampok sa programa ang mga presentasyon ng muse at isang cheer dancing competition na nagpapakita ng mga talento ng mga empleyado ng DAR sa buong Bicolandia.
Ginanap din ang sabay-sabay na sports event tulad ng basketball, volleyball, badminton, table tennis at darts.
Sa hinaharap, sa kabila ng kumpetisyon, inaasahan na mananatili ang pagkakaisa ng mga kalahok na magpapatibay ng kanilang samahan sa ahensya.
RUBEN FUENTES