SPURS DUROG SA JAZZ

spurs vs jazz

NAGBUHOS si Donovan Mitchell ng 20 points, at nagtala ang Utah Jazz ng  franchise record na 20 3-pointers sa 139-105 panalo laban sa bumibisitang San Antonio Spurs noong Martes ng gabi.

Tumipa si Rudy Gobert ng 18 points at 10 rebounds, at nag­dagdag si Kyle Korver ng 15 points mula sa bench sa kanyang unang home game magmula nang muling kunin ng Utah ang veteran guard sa isang trade. Nanalo ang Jazz sa ikatlong pagkakataon sa apat na laro magmula nang mapunta sa kanila si Korver.

Nag-ambag si Jakob Poeltl ng career-best 20 points at 7 rebounds mula sa  bench para sa San Antonio, na nalasap ang ikatlong kabiguan sa apat na laro.

Umiskor si DeMar DeRozan ng 16 points at nagbigay ng pitong assists, at nagdagdag si LaMarcus Aldridge ng 16 points.

Nagposte ang Jazz ng 10 of 17 mula sa long distance sa loob ng dalawang quarters at naitarak ang 63-47 kalamangan sa halftime. Sa kabuuan, ang Utah ay bumuslo ng  20 sa 33 3-point attempts.

KINGS 122,

SUNS 105

Kumana si Buddy Hield ng isang dunk at pares ng 3-pointers sa game-opening 13-2 flurry,  at  umabante ang Sacramento ng hanggang 35 points tungo sa tambak na panalo laban sa Phoenix.

Nalimitahan ng Kings ang Suns sa isang field goal lamang sa unang  5 1/2 minutes at kabuuang 9 points sa first quarter, upang kunin ang 36-9 kalamangan matapos ang isang yugto. Tumapos si Hield na may 20 points sa loob ng 18 minuto upang pangunahan ang pitong players sa double figures para sa Kings, na sinimulan ang four-game trip.

Nagtala si rookie De’Anthony Melton ng season-best 21 points para sa  Suns, na naglaro na wala sina Devin Booker (strained hamstring) at T.J. Warren (sprained ankle).

MAVERICKS 111, TRAIL BLAZERS 102

Tumabo si rookie Luka Doncic ng 21 points at humugot ng siyam na rebounds  nang gapiin ng Dallas ang bumibisitang Portland.

Nagdagdag si Wesley Matthews ng 17 points at gumawa si DeAndre Jordan ng 12 points at 17 boards para sa Mavericks, na nag-wagi ng walong sunod sa home at 9 sa 11 games sa kabuuan.

Comments are closed.