TUMAPOS si DeMar DeRozan na may 30 points, 12 rebounds at 8 assists upang tulungan ang San Antonio Spurs na maiposte ang 110-106 panalo laban sa bumibisitang Los Angeles Lakers noong Sabado ng gabi.
Tumipa si Rudy Gay ng 16 points at 10 rebounds, umiskor din si Bryn Forbes ng 16 points at nagdagdag si LaMarcus Aldridge ng 15 nang gapiin ng San Antonio ang Los Angeles sa ikalawang pagkakataon sa loob lamang ng wala pang isang linggo.
Nag-ambag si dating Laker Pau Gasol ng 11 points at 12 rebounds, at gumawa si Patty Mills ng 10 points.
Kumamada si LeBron James ng 35 points at 11 rebounds para sa Lakers. Umangat si James sa sixth place sa NBA’s all-time scoring list na may 31,202 career points, mas mataas ng 14 kay Dirk Nowitzki ng Dallas Mavericks.
Nasa ika-5 puwesto si Wilt Chamberlain na may 31,419 points.
Tumipa si Kyle Kuzma ng 15 points at nagdagdag si Lance Stephenson ng 14 points at 9 rebounds para sa Lakers.
BUCKS 113, MAGIC 91
Nagbuhos si Giannis Antetokounmpo ng 21 points at 7 rebounds sa loob lamang ng 19 minuto at nanatiling walang talo ang Milwaukee Bucks nang igupo ang bumibisitang Orlando Magic.
Ang 6-0 umpisa ng Milwaukee ang pinakamaganda ng koponan magmula nang simulan ng 1971-72 squad na pinangunahan nina future Hall of Famers Kareem Abdul-Jabbar at Oscar Robertson ang season sa pamamagitan ng pitong sunod na panalo makaraang makopo ang nag-iisang NBA championship ng franchise.
Makakasagupa ng Bucks ang isa pang wala pang talong koponan, ang Toronto Raptors (6-0), sa Lunes ng gabi.
Tumirada si Khris Middleton ng 18 points at 7 rebounds, umiskor si Malcolm Brogdon ng 16 points at nagdagdag si Donte DiVincenzo ng 15 points mula sa bench para sa Bucks, na bumuslo ng 50 percent mula sa floor at na-rebounded ang Magic, 57-42.
Tumapos si Ersan Ilyasova na may 10 rebounds at 6 assists, na kapwa game highs.
Nanguna si Nikola Vucevic para sa Orlando, na bumuslo lamang ng 32.7 percent mula sa floor, na may 16 points at 9 rebounds.
HEAT 120, BLAZERS 111
Kumana si Goran Dragic ng 28 points at humugot si Hassan Whiteside ng 16 rebounds at gumawa ng anim na blocks nang igupo ng host Miami Heat ang Portland Trail Blazers.
Nagposte si Damian Lillard, ang first-team All-NBA guard ng Portland, ng season-high 42 points at nagdagdag ng 7 rebounds at 6 assists. Gumawa siya ng 41 points sa kanyang naunang laro noong Huwebes ng gabi sa Orlando.
Naitala ni Dwyane Wade, ang 36-year-old 12-time All-Star ng Miami na isang reserve sa kanyang huling NBA season, ang 18 sa kanyang 19 points sa first half.
Nalimitahan ang Portland, pumasok sa laro na ranked third sa NBA scoring (125.3), sa 42-percent shooting mula sa floor.
PACERS 119, CAVALIERS 107
Naitala ni Victor Oladipo ang anim sa kanyang 24 points sa huling 7:50 nang ipalasap ng Indiana Pacers sa host Cleveland Cavaliers ang kanilang ika-6 na sunod na season-opening loss.
Tumipa si Bojan Bogdanovic ng 25 points at nakipagtuwang kay Oladipo upang maisalpak ang kanilang 29 shots, at tulungan ang Indiana na manalo ng dalawang sunod sa unang pagkakataon ngayong season.
Ang Pacers ay nasa kanilang unang pagbisita sa Cleveland matapos ang season-ending 105-101 loss sa Game 7 ng Eastern Conference first-round playoffs noong Abril.
Ang Cavaliers ay natalo sa ika-7 sunod na pagkakataon ng pitong puntos o higit pa sa kanilang pinakamabagal na simula buhat nang magsimula sa opening 0-7 noong 1995.
CELTICS 109, PISTONS 89
Tumabo si Jaylen Brown ng 19 points at pinangunahan ni Marcus Morris ang strong bench effort na may 18 points nang ipalasap ng Boston Celtics sa host Detroit Pistons ang kanilang unang kabiguan.
Nakontrol ng Boston ang laro mula sa simula at umabante ng 22 sa halftime. Tumipa si Daniel Theis ng 17 points at 8 rebounds, habang nagdagdag sina Gordon Hayward ng 15 points at Terry Rozier ng 14.
Nalimitahan si Pistons forward Blake Griffin, sumalang sa laro na may average na 33.8 points, sa pitong puntos sa 2 of 13 shooting mula sa field.
Nanguna si Andre Drummond para sa Detroit na may 18 points at 8 rebounds habang nag-ambag si Stanley Johnson ng season-high 16 points.
Comments are closed.