SPURS, RAPTORS NAGPARAMDAM

NBA.jpg

NAGBUHOS si DeMar DeRozan ng game-high 28 points sa kanyang debut sa San Antonio, at apat sa kanyang team-mates ang umiskor ng double figures nang igupo ng host Spurs ang Minnesota Timberwolves, 112-108, noong Miyerkoles ng gabi.

Naitala ni DeRozan, kinuha sa offseason trade na naghatid kay Kawhi Leonard sa Toronto, ang huling apat na puntos sa laro makaraang humabol ang Minnesota para sa 108-108 pagtatabla sa 3-pointer ni Jimmy Butler sa huling minuto.

Nagdagdag si LaMarcus Aldridge ng 21 points at game-high 19 rebounds para sa Spurs,  na nakakuha rin ng 18 points mula kay Rudy Gay.

RAPTORS 116,

CAVALIERS 104

 Umiskor si Kawhi Leonard ng 24 points at humugot ng 12 rebounds sa kanyang Toronto debut sa pagdispatsa sa bumibisitang Cleveland.

Tumipa si Kyle Lowry ng 27 points at 8 assists para sa Raptors habang nagdagdag sina Fred VanVleet ng 14 points, Pascal Siakam ng 13 points at Danny Green ng 11. Kumubra naman si Jonas Valanciunas ng 12 rebounds. Sina Leonard at Green ay kinuha ng Toronto mula sa Spurs sa trade noong Hulyo.

Gumawa si Kevin Love ng 21 points at nagdagdag ng 7 rebounds para sa Cavaliers, habang nagposte si Cedi Osman ng 17 points at 10 rebounds. Nag-ambag sina George Hill at Jordan Clarkson ng tig-15 points,  at umiskor si Rodney Hood ng 12.

 PELICANS 131,

ROCKETS 112

Tumirada si Anthony Davis ng 32 points at 16 rebounds, at bumanat si  Elfrid Payton ng triple-double nang gapiin ng New Or-leans ang host ­Houston.

Tumipa si Payton, isa sa dalawang key offseason acquisitions, ng 10 points, 10 assists at 10 rebounds,  habang isa pang  key pick-up, si forward Julius Randle, ay kumamada ng 25 points mula sa bench.

Sa iba pang laro: Bucks 113, Hornets 112; Knicks 126, Hawks 107;

Pistons 103, Nets 100; Pacers 111, Grizzlies 83; Magic 104, Heat 101.

Comments are closed.