SRA AT BOOSTER SHOT SA MGA TITSER

INIHIRIT  ni House Deputy Minority Leader Stella Quimbo sa pamahalaan na isama ang mga guro sa prayoridad na mabigyan ng COVID-19 booster shot at Special Risk Allowance (SRA).

Sa privilege speech ni Quimbo sa plenaryo ng Kamara, sinabi nito na naghain siya ng resolusyon hinggil sa dalawang nabanggit na pangangailangan ng mga guro na sumasabak sa face-to-face classes.

Sa House Resolution 2410 ay hinihiling nito sa Department of Education (DepEd) na bigyan ng SRA ang mga guro na lalahok sa face-to-face classes at isama ang mga guro sa uunahing mabigyan ng booster shots.

Dahil sa pagbabalik-eskuwela, ang mga guro aniya ngayon ay nahaharap sa mataas na banta na matamaan ng COVID-19.

Ipinupunto ng kongresista na ang booster shot ay magbibigay ng “extra layer” o dagdag na proteksiyon para sa mga guro at ang SRA naman ay magagamit para sila ay makabili ng mga personal protective equipment (PPE) at may panggastos sakaling sila ay magka-sakit.

Paalala ni Quimbo, wala pa man ang pandemya ay marami nang hamon na kinakaharap ang mga guro na mas pinatindi pa ng krisis-pangkalusugan at blended distance learning. CONDE BATAC