PINABABANTAYAN ni Agriculture Secretary William Dar sa mga lokal na opisyal ang presyo ng mga bilihin sa mga pamilihan makaraang matuklasang may ilang hindi sumusunod sa itinakdang suggested retail price (SRP).
Ayon kay Dar, dapat kumilos ang mga lokal na Price Coordinating Council at market masters upang masiguro na walang nagbebenta na lagpas sa SRP ngayong nasa ilalim ng state of public health emergency ang bansa.
Sa pag-iikot sa mga pamilihan sa Metro Manila kahapon, natuklasan nina Dar at Trade Secretary Ramon Lopez III na maraming tindahan ang hindi sumusunod sa SRP.
Anila, nasa P140 o mas mataas pa ang presyo ng isang buong manok, na dapat ay P130 lang. Ipinagbibili naman sa P220 ang isang kilo ng karne, na dapat ay nasa P190 lamang.
Binigyan ng notice of violation ang mga tindahan na natuklasang nag-overprice, na maaari umanong arestuhin kapag hindi nila inayos ang kanilang mga presyo makalipas ang dalawang araw.
Ayon kay Dar, karaniwang katuwiran ng mga nagtitinda sa hindi nila pagsunod sa SRP ang mataas na presyong ibinigay ng mga negosyante.
Dagdag pa ni Dar, maglalabas ang ahensiya ng bagong listahan ng presyo ng mga produkto na dapat masunod habang umiiral ang price freeze.
Samantala, tiniyak ng National Food Authority (NFA) na sapat ang NFA rice na ibinebenta sa mga pamilihan habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang buong Luzon.
Comments are closed.