AYON kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, head ng consumer protection group ng Department of Trade and Industry (DTI), mahigit 65 percent ng mga produkto ang tumaas ang SRPs.
Nasa 25 percent naman ng mga produkto ang hindi nagbago ang presyo, habang 2 percent lamang ang ibinaba ang kanilang SRPs.
Bagama’t siniguro ni Castelo sa mga consumer na ang bagong SRPs ay mananatili hanggang sa pagtatapos ng holiday season, nagbabala ang isang consumer group na mag-uudyok ito sa mas mataas na actual prices.
Ayon sa Laban Konsyumer, Inc., asahan ang pagtaas ng presyo ng Noche Buena products ng hangang P55 ngayong taon.
Iniulat ng grupo na 141 Noche Buena products mula sa 216 na may SRP ang tumaas ang presyo kumpara noong nakaraang taon.
Ang price increases sa ham ay mula P5 hanggang P38.75, habang ang fruit cocktails ay P2.25 hanggang P10.75. Tumaas din ang presyo ng keso ng P1.90 hanggang P18.10, gayundin ang sandwich ng P0.25 hanggang P9.80.
Ang queso de bola ang nagtala ng pinakamalaking pagtaas na hanggang P55, habang ang mayonnaise ay P0.30 hanggang P25.75.
Iniulat pa ng Laban Konsyumer na ang presyo ng pasta spaghetti ay tumaas ng P0.85 hanggang P4.50 at ang elbow salad macaroni ay P0.95 hanggang P6.50.
Idinagdag pa nito na ang presyo ng spaghetti sauce ay tumaas ng P0.20 hanggang P3 at ang creamer ng P2 hanggang P6.50. Bukod dito, ang presyo ng tomato sauce ay sumirit ng P0.25 hanggang P5.50.
Ayon pa sa grupo, nanatili namang matatag ang presyo ng flour-based products, tulad ng pasta spaghetti at elbow salad macaroni.
Wala namang branded bread ang kasama sa Noche Buena SRP, habang walong bagong ham at anim na spaghetti sauce brands ang kasama sa listahan.
“Noche Buena products are not basic necessity nor prime commodity. Prices normally soar as we enter the peak of the season in December,” dagdag pa ng grupo. ELIJAH FELICE ROSALES