MAHIGPIT na nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa mga hindi susunod sa itinakda nilang suggested retail price (SRP) para sa piling agricultural products.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, sa ilalim ng Price Act, ang mga abusadong negosyante na magmamanipula sa presyo ng mga produk-tong pang-agrikultura ay mahaharap sa parusang pagkakulong ng mula 5 hanggang 15 taon at multang mula P5,000 hanggang P2-milyon.
Isa hanggang 10 taong pagkabilanggo at multang P5,000 hanggang P1-milyon naman ang parusa sa mga lalabag sa price ceiling.
Sinabi ni Dar na aaraw-arawin nila ang sorpresang pagbisita sa mga palengke upang matiyak na nasusunod ang itinakda nilang SRP.
P190/kilo ang itinakdang SRP para sa pigue at kasim ng baboy, P130/kilo sa fully dressed chicken, P162/kilo sa bangus, P120/kilo sa tilapia, at P130/kilo sa galunggong.
Nagtakda rin ang DA ng SRP para sa bawang na P70 kada kilo para sa imported at P120 kada kilo para sa local; P95 kada kilo naman ang pulang sibuyas; at P50 kada kilo ang refined sugar.
Kahapon ay nagsagawa ng inspeksiyon ang DA kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of the Interior and Local Gov-ernment (DILG) sa Mega Q Mart sa Quezon City upang alamin kung sumusunod ito sa SRP ng mga piling agricultural product.
Sa nasabing inspeksiyon ay natuklasan na ang manok at bawang ay ibinebenta na mas mataas sa SRP.
Ang mga lumabag sa SRP ay inisyuhan ng Letters of Inquiry at inatasang magpaliwanag sa DTI sa loob ng 48 oras. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.