INAMIN ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Arnel De Mesa na hindi pa selyado o agad na maipatutupad ang suggested retail price (SRP) sa bigas bilang pagpigil sa pagsipa ng presyo nito sa merkado.
Sa isang panayam sa isang programang pantelebisyon, sinabi ni De Mesa na pinag-aaralan pa ito ng kagawaran habang tiniyak na kokonsulta rin sa mga stakeholder kung tama ang desisyon para sa win-win solution sa mataas na presyo ng bigas.
Sakali man aniyang maipatupad ang SRP sa bigas, pinawi ni De Mesa ang pangamba ng local producers partikular ang magsasaka at sinabing pansamantala lamang ito at kapag harvest season na ay maaaring i-lift gaya ng ipinatupad na price ceiling noong September 2023.
“Under study pa ito, depende sa resulta, at kung anihan na maaaring alisin din. Ang SRP naman po sakali namang ipatupad, hindi naman po tumatagal at iyan po ay very temporary in nature,” ani De Mesa. Tinukoy naman ni De Mesa ang sanhi ng pagsipa sa presyo ng bigas at ito, aniya, ay dahil tapos na ang anihan habang apektado rin ang Pilipinas sa mataas na presyo sa pandaigdigang merkado na ngayon ay nasa $600 na kada tonelada. Kasama rin ang inaasahang pagtama ng El Nino sa una at ikalawang quarter ng 2024.
EUNICE CELARIO