SRP SA KANDILA, DELATA ITINAAS

KANDILA-DELATA

INIHAYAG kahapon ng Department of Trade and Industry (DTI) na tumaas ng P1.00 ang Suggested Retail Price (SRP) ng kandila at i­lang mga delata sa mga pamilihan sa bansa.

Sa isinagawang pag-iikot  ng umaga ng mga opisyal ng kagawaran, sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, na tumaas ang presyo ng ilang mga pa­ngunahing bilihin sa mga pamilihan.

Ayon kay Castelo, inaprubahan ng ahensiya ang hiling ng isang local candle manufacturer na itaas ng P1 ang SRP ng produkto.

Sinabi pa ni Castelo, na ang pagtaas ng presyo ng kandila ay bunsod ng pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar at pagtaas ng presyo ng raw materials sa paggawa ng nasabing produkto.

Aniya, tumaas man ang presyo, mas mababa pa rin daw sa SRP ang bentahan ng kandila sa mga supermarket dahil karaniwang dumidikit lang sa SRP ang presyo ng kandila tuwing araw ng Undas.

Sinuri rin ng DTI ang presyo ng mga pa­ngunahing bilihin sa isang sangay ng Puregold sa N Domingo sa lungsod ng San Juan.

Bukod sa kandila ay itinaas din ng P55 hanggang P90 centavos ang ilang mga pangunahin bilihin.

Kabilang dito ang canned goods gaya ng sardinas, corn beef at meat loaf.

Ito ay dahil sa inaangkat pa raw ang mga materyal ng lata at label kasama na rin ang epekto ng pagtaas ng produktong petrolyo.   MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.