SRP SA LAPTOPS, TABLETS PAG-AARALAN NG DTI

LAPTOPS-TABLETS

PAG-AARALAN  ng Department of Trade and Industry (DTI) ang paglalagay ng suggested retail price sa mga laptop at tablet sa harap ng mataas na demand para sa mga ito.

Ngayong suspendido ang face-to-face classes dahil sa banta ng COVID-19, isinasagawa muna ng mga eskuwelahan ang blended learning methods o ang halong offline at online learning, depende sa kakayahan ng mga estudyante.

Sa online classes ay kakailanganin ng mga estudyante ang gadgets tulad ng laptop at tablet kaya tumaas ang demand para sa mga ito.

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, may direktiba ang kanilang kalihim na si Ramon Lopez na pag-aralan kung paano at kung talagang kailangang magtakda ng price ceiling sa mga laptop at tablet.

Ani Castelo, inaalam na rin ng ahensiya  kung may hoarding o profiteering kaya tumataas ang presyo, lalo na’t nagsisimula na ang online classes sa ilang paaralan.

Kakausapin din, aniya, ng DTI ang mga importer at distributor kung maibababa pa ang presyo ng mga gadget.

“We’ll make sure po, on the part of the consumer protection ng DTI, utos din ni Sec. Lopez na bantayan natin pati ang suplay, hindi lang po ‘yung presyo na patuloy nating pag-aaralan but also the supply,” sabi ni Castelo.

“To make sure that these are equally distributed sa mga areas kahit malalayo na siya para siguradong hindi mapagsamantalahan nang todo-todo ‘yung presyo at siguradong may mabibili sila,” dagdag ng opisyal.

Hinimok din niya ang publiko na isumbong sa DTI ang mga nananamantala.

Comments are closed.