DAHIL maraming retailer ang hindi sumusunod sa tamang presyo ng manok. pinag-aaralan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang paglalagay ng suggested retail price (SRP) sa manok.
Lumilitaw sa monitoring ng DTI na maraming retailer ang hindi sumusunod sa tamang presyo ng manok base sa farm gate price nito.
Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na sa pamamagitan ng SRP ay magkakaroon sila ng mas matibay na dahilan para kasuhan at ipakulong ang mga retailer na lumalabag sa tamang presyo.
Patuloy naman na binabantayan ng DTI ang presyo ng karne ng baboy at gulay sa mga palengke at ng presyo ng construction materials tulad ng semento at bakal.
Tiniyak ni Castelo na nakatakda namang bumaba ang presyo ng bigas dahil nagsimula na ang harvest season.
Muling pang tiniyak ng DTI sa publiko na walang paggalaw sa presyo ng ilang pangunahing bilihin hanggang sa Disyembre 1 base na rin sa “3-month price hold off” na napagkasunduan ng DTI at ng mga manufacturer na kanilang inihayag noong nakaraang buwan. NENET V
Comments are closed.