PINAPLANO ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na lagyan ng suggested retail price (SRP) ang mga karneng manok at baboy.
Ito ay bunga ng hindi maipaliwanag na pagtataas ng presyo ng manok at baboy sa mga pamilihan kahit na hindi gumalaw ang presyo sa farm gate.
Sa ulat, nasa P88 hanggang P95 ang farm gate price ng buhay na manok at inaasahang nasa P128 hanggang P140 lamang ang market price nito, ngunit pumapalo ito sa halagang P160 kada kilo sa merkado.
Ang buhay na baboy naman ay may farm gate price na P125 hanggang P130 kada kilo kaya dapat itong ibenta sa halagang P200 kada kilo lamang, subalit naglalaro ang presyo nito sa mga palengke sa P230 hanggang P250 kada kilo.
Hinala ng DTI at DA na ginagamit na rason ng ilang grupo ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo para magawa rin nilang magtaaas ng presyo ng kanilang mga produkto.
Itinanggi naman ng mga producer na may kinalaman ang pagtaas ng presyo sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), wala sa side ng producer ang inflationary nature sa presyo ng manok, baboy o isda.
Kamakailan ay inihayag din ng DA at DTI na sisimulan nang lagyan ng SRP ang bigas at iba pang agricultural products upang hindi manamantala ang mga negosyante.
Sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol, na sisimulan ang pagpapatupad ng SRP sa bigas sa Metro Manila upang ito ay ma-monitor. AIMEE ANOC
Comments are closed.