PINATUTUKAN ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang presyo ng face mask sa kaniyang nasasakupan at dapat aniyang sundin ang suggested retail price (SRP) nito at maging ng N95 face masks alinsunod sa Executive Order No. 010, Series of 2020.
Ginawa ang utos upang mapigilan ang pananamantala ng mga negosyante sa pangamba sa novel coronavirus (nCoV).
Nakasaad sa Executive Order, na pagtalima sa Department of Health (DOH) Memorandum No. 0005, Series of 2020, at batay sa itinakda noong Setyembre 31, 2019 ng Suggested Retail Price Bulletin ng Department of Trade and Industry (DTI), na ang pinakamataas na presyo ng surgical masks ay P8 bawat piraso, habang ang N95 masks ay P105 kada piraso.
Ang surgical masks, na kilala rin bilang medical face masks, karaniwang ginagamit tuwing flu season dahil nakababawas ito sa posibilidad ng pagkalat ng airborne diseases.
Samantala, ang N95 face masks ay idinisenyo bilang pantakip sa ilong at bibig para masala ang mga maliliit na particles gaya ng alikabok sa hangin. VICK TANES
Comments are closed.