NAPAPANAHON para sa pagbubukas ng klase sa susunod na buwan, hinimok ng Department of Trade and Industry Regional Office III (DTI-3) ang mga tindahan sa rehiyon na sundin ang suggested retail prices (SRP) sa pagbebenta ng school supplies.
Ayon kay Warren T. Serrano, DTI Region III information officer, inilathala kamakailan ng ahensiya ang SRP table para sa school supplies epektibo Mayo 3, 2018. Nakatala rito ang kaukulang presyo ng iba’t ibang brands ng notebooks, pad paper, ballpens, crayons, erasers, rulers at sharpeners.
Pinaalalahanan ng DTI ang mga seller na ang school supplies tulad ng notebooks, pad paper, pencils, pens at crayons ay dapat magkaroon ng proper markings gaya ng brand name, trademark, bilang ng pahina para sa paper products, type, size at grammage ng papel, at pangalan at tirahan ng manufacturer o importer. Ang crayons ay dapat ding lagyan ng marking na ‘non-toxic’ bukod sa trade mark, brand name at pangalan ng manufacturer.
Para sa 80-page econobond composition notebooks, ang SRP ay nasa Php 12.00 – 18.00, habang ang promo packs na anim ay mula Php129.75 hanggang Php 164.75. Ang pad papers (80 pages) para sa Grades 1-4 ay may SRP na mula Php 6.00 hanggang Php 11.00, samantalang ang intermediate pad paper ay may SRP na Php 12.20 hanggang Php 32.75.
Para sa lapis, ang three-pack sets ay may SRP na mula Php 12.00 hanggang Php 37.50, depende sa kapal at brand. Ang SRP ng ballpens ay nasa Php 5.00 hanggang Php14.75, habang ang three-pack set ng ballpens ay mula Php 12.00 hanggang Php15.75. Para sa crayons, ang eight-piece boxes ay nagkakahalaga ng Php 12.00 hanggang Php 17.75, habang ang 24- piece box ay may SRP na Php32.00- 49.25.
Ang erasers ay may SRP na mula Php 7.50 hanggang Php14.75 at ang sharpeners (one hole) ay mula Php 8.00 hanggang 11.75. Para sa two-hole sharpeners, ang price range ay Php 19.75 hangggang Php 34.75.
Samantala, ang plastic laminated rulers ay may SRP na mula Php 9.75 hanggang Php 19.75 para sa 6-inch type at Php 11.75-Php 32.75 para sa 12-inch ruler.
Inorganisa ngayong buwan ng provincial offices ng DTI-3 ang Balik-Eskwela Diskwento Caravans sa Balanga City, Subic Freeport, San Jose Del Monte, Bulacan at San Fernando, Pampanga upang makabili ang mga estudyante ng school supplies at school uniforms sa discounted prices.
Ang SRP table para sa school supplies ay maaaring makita sa website ng DTI sa pamamagitan ng link na ito: https://dti.gov.ph/media/advisories/11985-gabay-school-supplies-srp. CATHERINE JOY MAGLALANG
Comments are closed.