SSF PROJECT NG DTI MALAKING TULONG SA MGA NAGSISIMULANG NEGOSYO O SA MSMEs

DTI-4

NITONG nakaraang linggo, tumayo tayo sa bulwagan ng Senado para suportahan ang isang panukalang batas na nagsusulong na gawing institutionalized ang proyektong Shared Service Facilities (SSF) ng Department of Trade and Industry.

Sakaling maisabatas, malaking ayuda po ito sa ating adbokasiya – ang TATAK PINOY na nagsusulong sa pagpapalakas sa mga produktong Pilipino, partikular ang mga nagpapalagong negosyo sa bansa o ang tinatawag nating MSMEs.

Ano ang SSF?

Ito po ay proyekto ng DTI kung saan nagbiibigay sila ng mga kaukulang makinarya na kailangan ng isang maliit na negosyante para mas mapadali ang kanyang produksiyon. Karamihan kasi sa kanila, dumaan sa mga mano-manong produksiyon ng kani-kanilang produkto. Pero nang dahil sa SSF – mga makinarya na ibinigay ng DTI, tumaas ang antas ng kanilang mga finished products, tumaas ang kalidad ng mga material at ngayon nga ay nagagawa na nilang makapag-export. Kung mas lalo pang palalakasin ang sektor ng MSMEs na benepisyaryo ng SSF, posibleng hindi lang sa bansa sila makilala, kundi usapang global na. ‘Yun naman talaga ang kanilang pangarap na sana nga ay matupad.

Kabilang sa mga benepisyaryo ng SSF projects ng DTI ang mga negosyong may kinalaman sa food processing, mga produktong mula sa niyog, kawayan, mga pagkain tulad ng karne, kape, mga kagamitang pambahay, at marami pang iba.

Sa kasalukuyan, base sa datos ng DTI, mayroon nang 3,484 SSFs sa lahat ng rehiyon ng bansa. Sa bilang na ito, mahigit 500,000 katao ang natulungan at nakalikha na rin ng mahigit 300,000 trabaho.

Maraming mga benepisyaryo ng proyektong ito ng DTI ang nagpatotoo kung paano sila natulungan bilang “cooperators”. Halimbawa na lamang ang Samahang Magniniyog ng Pikit Multi-Purpose Cooperative sa North Cotabato na kilala sa kanilang produktong coco sugar. Kung dati ay umaabot lamang ang kanilang produksiyon sa 150 kilograms, ngayon ay nakagagawa na sila ng hanggang 500 kilograms dahil sa SSF. Dahil din dito, malaki ang itinalon ng kanilang kinikita na dati ay hanggang 30,000 pesos a month lang. Ngayon, kumikita na sila ng hanggang P180,000 kada buwan.

Isa pang halimbawa ang Chokolate de San Isidro sa Davao del Norte kung saan dahil sa SSF, mas naging madali ang pag-proseso nila ng tablea at chocolate candies mula sa cacao. Dati, hanggang lokal lang ang inaabot ng kanilang mga produkto, pero ngayon, nagagawa na nilang makapag-export.

Kung pakasusuriing mabuti, sa mga nagdaang taon, naging napakalaking tulong ng SSF ng DTI sa ating mga nagpapaunlad na negosyo. Makikita natin ang malaking kontribusyon nito sa ating economic development at nakatutulong upang kahit paano ay makabangon ang mga kababayan natin mula sa kahirapan.

Sa ngayon, pansamantalang suspendido ang sesyon ng Senado. Pero malaki ang pag-asa natin na sa muling pagbubukas nito matapos ang isang buwan, tiyak na papasa ang panukalang ito sapagkat malaking tulong ito sa pagpapalakas ng ating MSMEs.