SSL: ATENEO, CSB MAGSASAGUPA PARA SA FIFTH PLACE

Mga laro ngayon:
(Rizal Memorial Coliseum)
3:30 p.m. –- UE vs UP (classification 7th to 8th)
6 p.m. — Ateneo vs CSB (classification 5th to 6th)

MAGHAHARAP ang College of Saint Benilde at Ateneo de Manila University sa battle for fifth sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship ngayong Sabado sa Rizal Memorial Coliseum.

Makaraang magwagi sa first phase ng classification round, ang Lady Blazers at Blue Eagles ay magsasalpukan sa alas-6 ng gabi para tapusin ang kanilang kampanya sa winning note.

Samantala, magsasagupa ang University of the East at University of the Philippines sa alas-3:30 ng hapon para paglabanan ang seventh place sa torneo na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea, Grab Philippines, at Summit Water.

Target ng Saint Benilde, ang nag-iisang NCAA team na umabante sa playoffs, na maidagdag ang Ateneo sa listahan ng kanilang UAAP victims makaraang gapiin ang Adamson University sa first round at walisin ang UP, 25-19, 25-14, 25-20, aa classification round opener noong nakaraang November 6.

“Lagi naman kaming may chance every game. Every game gusto lang namin na maging maayos ang game namin and lalaban lang kami as much as possible,” sabi ni Lady Blazers veteran winger Mycah Go.

Sasandal din ang reigning three-peat NCAA champion kina Clydel Catarig, Zamantha Nolasco, Mary Grace Borromeo at heady playmaker Chenae Basarte upang makapagtala ng upset kontra pinapaborang Blue Eagles.

Tinalo naman ng Ateneo ang Lady Warriors, 25-21, 25-17, 25-22, noong nakaraang linggo sa first classification round pairing ng centerpiece competition ng SSL.

Nanguna sina Geezel Tsunashima at Lyann De Guzman sa magaan na pagdispatsa ng Blue Eagles sa Lady Warriors upang maduplika ang kanilang pagtatapos sa inaugural edition, dalawang taon na ang nakalilipas.

“Laging sinasabi ni coach (Sergio Veloso) na gawin lang namin ang best namin and be aggressive inside the court,” ani Ateneo setter Taks Fujimoto.

“Throughout this pre-season we’ll improve until the UAAP season.”