Mga laro ngayon:
(Rizal Memorial Coliseum)
1 p.m. –- JRU vs La Salle
3:30 p.m. — UST vs UE
6 p.m. — NU vs San Beda
DINISPATSA ng Ateneo de Manila University ang Arellano University, 25-17, 25-18, 25-18, upang manatili sa playoffs race sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship nitong Sabado sa Rizal Memorial Coliseum.
Nanguna sina Zey Pacia at Lyann De Guzman sa bounce back victory ng Blue Eagles para sa 2-1 kartada sa Pool A katabla ang dating walang talong Lady Chiefs.
Ang Ateneo wingers ay umiskor ng tig-10 points at nagtuwang ng 18 sa 41 attack points ng koponan upang pataubin ang Arellano sa krusyal na showdown sa torneo na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.
Napanatili ng Blue Eagles ang kanilang composure sa buong laban sa harap ng matikas na pakikihamok ng Lady Chiefs sa kaagahan ng bawat set.
“’Yun lang ang sinasabi sa amin ni coach Sergio (Veloso) na magkaroon ng strong mind and magtiwala lang sa sarili,” sabi ni Pacia at nakabawi ang Ateneo mula sa four-set loss sa defending champion National University noong nakaraang linggo.
Umiskor sina Marianne Padillon, Fhaye Mangubat, Kacelyn Punzalan at Samantha Tiratira ng tig-5 points para sa Lady Chiefs.
Samantala, napanatili ng De La Salle University at University of Santo Tomas ang kanilang unbeaten records at nakakuha ng puwesto sa susunod na round sa kani-kanilang pools noong nakaraang Biyernes.
Nakabawi ang Lady Spikers mula sa third set setback bago ginapi ang Letran College, 25-7, 25-21, 22-25, 25-15, sa Pool C para sa kanilang ikalawang sunod na panalo.
Pinangunahan ni Angel Canino ang pagbawi ng La Salle mula sa shocking third set loss sa NCAA runner-up, tumapos na may 15 points mula sa 11 kills, 2 kill blocks at 2 aces.
“Ni-remind lang namin (ang isa’t isa) na pumunta kami rito na may pride. So, kailangan naming lumaban na may pride nu’ng fourth set kasi may pinanghahawakan kami,” sabi ni Canino.
Nagdagdag si Katrina Del Castillo ng 9 markers habang nag-ambag sina Amie Provido at Shane Reterta ng tig-8 points para sa Lady Spikers, na ipinalasap sa Lady Knights ang ikalawang sunod na kabiguan sa tatlong laro sa kabila ng 17-point effort ni Gia Maquilang.
Samantala, tinalo ng Golden Tigresses ang University of Perpetual Help System Dalta, 25-17, 25-17, 21-25, 25-19, para sa 3-0 kartada sa Pool B katabla ang with playoffs-bound University of the East.
Nagbuhos sina Angge Poyos at Regina Jurado ng 15 at 13 points, ayon sa pagkakasunod, para sa UST, na handa na para sa titanic clash kontra Lady Warriors ngayong alas-3:30 ng hapon.
Sibak na sa kontensiyon ang Lady Altas, nakakuha ng 15 points mula kay Cyrille Almeniana at 10 markers mula kay Jazhryll Lagmay, makaraang mahulog sa 0-2 kartada.
Samantala, makakaharap ng three-peat-seeking NU (2-0), ang San Beda University (0-2) sa Pool A sa alas-6 ng gabi habang makakabangga ng La Salle ang Jose Rizal University (0-1) sa 1 p.m. curtain-raiser.