Mga laro sa Sabado:
(Rizal Memorial Coliseum)
11 a.m. – SSC-R vs UE
2 p.m. – ADMU vs FEU
5 p.m. – UPHSD vs CSB
UMABANTE ang unbeaten squads University of Santo Tomas at Adamson U sa susunod na round makaraang pataubin ang kani-kanilang katunggali sa 2023 Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship Season 2 nitong Lunes sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan.
Ginapi ng Golden Tigresses (3-0) ang reigning NCAA champion College of St. Benilde Blazers, 25-13, 22-25, 25-12, 25-22, upang makumpleto ang Pool C sweep habang dinispatsa ng Lady Falcons (2-0) ang NCAA runner-up Lyceum Lady Pirates, 25-16, 25-16, 25-13, upang kunin ang top spot sa Pool B.
Ang panalo ng Adamson ay nagbigay-daan din sa pag-usad ng Arellano (2-1) sa Pool B habang nasibak sa kontensiyon ang Lyceum (1-2). Ang defending champion National U (2-0) mula sa Pool A ang isa pang koponan na nakakuha ng puwesto sa playoffs, kaya apat na puwesto na lamang ang pag-aagawan sa huling linggo ng elimination round.
Muling sumandal ang UST, na naunang namayani sa Letran at University of Perpetual Help System Dalta, sa scattered attack kung saan tatlong players nito ang nagtala ng double digits, sa pangunguna ni Jonna Perdido, na kumamada ng 20 points sa 20 attacks.
Nag-ambag sina Regina Jurado at Angeline Poyos ng 19 at 17 points, ayon sa pagkakasunod, para sa UST na dadalhin ang perfect record sa playoffs.
“Marami pa kaming rooms for improvement. ‘Yun ang pinakamaganda. Kailangan namin ng consistency na siya namang pinaka-importante (entering the next round),” wika ni coach Kungfu Reyes kung saan dinomina ng UST ang CSB, maliban sa second-set defeat, na may double-digit wins sa first at third frames.
Sa unang laro, kinailangan lamang ng Lady Falcons ng 68 minuto upang pataubin ang Lady Pirates sa likod ng troika nina Lucille Almonte, Jimy Jean Jamili at Red Bascon na may tig-7 points.
“It’s a good start for us na naka 2-0 kami kasi nakakakuha ng experience ‘yung mga bago namin na madadala namin throughout the season. I-try pa rin namin i-blend yung chemistry ng mga bata papasok sa playoffs,” sabi ni JP Yude ng Adamson, na tumapos sa third kapwa sa SSL Season 1 at National Invitationals noong nakaraang buwan.
Nahulog ang CSB, na pinangunahan ni Gayle Pascual na may 13 points, sa 1-1 sa Pool C, at may crucial game na nalalabi kontra Perpetual sa Sabado.