Mga laro ngayon:
(Rizal Memorial
Coliseum)
11 a.m. –- Ateneo vs UST
2 p.m. –- UE vs CSB
5 p.m. — La Salle vs NU
HAHARAPIN ng defending champion National University ang familiar rival De La Salle University sa salpukan ng powerhouse squads sa pagsisimula ng second round ng 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship ngayong Linggo sa Rizal Memorial Coliseum.
Nakatakda ang marquee showdown sa Pool E sa alas-5 ng hapon matapos ang 2 p.m. encounter sa pagitan ng University of the East at College of Saint Benilde sa parehong grupo sa alas-2 ng hapon.
Samantala, magsasalpukan ang University of Santo Tomas at Ateneo de Manila University sa Pool F clash sa alas-11 ng umaga upang simulan ang triple-bill playdate ng round-robin playoffs kung saan nakataya ang dalawang quarterfinals twice-to-beat advantages sa bawat pool.
Pinapaboran sa torneo, sisikapin ng three-peat-seeking Lady Bulldogs at Lady Spikers na manatiling walang talo makaraang walisin ang kani-kanilang pools sa opening round at lumapit sa quarters incentive.
Dinomina ng NU ang Arellano University, 25-9, 25-12, 25-12, noong nakaraang Biyernes upang manatiling walang talo sa apat na laro sa Pool A at makuha ang momentum bago ang pinakaaabangang unang pagharap sa La Salle magmula noong inaugural championship ng liga, dalawang taon na ang nakalilipas.
Winalis ng Lady Bulldogs ang Lady Spikers sa winner-take-all final ng 2022 edition ng torneo.
Nagwagi ang La Salle sa 2023 National Invitationals habang hindi sumali ang NU sa torneo dahil sa national team commitments. Nag-leave of absence naman ang Lady Spikers sa second edition ng Collegiate Pre-season Championship noong nakaraang taon at sa 2024 National Invitationals, na kapwa pinagharian ng Lady Bulldogs.
“It’s very exciting kasi ngayon na lang ulit kami magtatapat ng La Salle. Also, kinakabahan kasi siyempre alam natin na nagpi-prepare rin sila,” wika ni NU setter Lams Lamina. Makakatuwang ni Lamina sina reigning Most Valuable Player Alyssa Solomon, Bella Belen, Arah Panique, Vange Alinsug, Sheena Toring at Myrtle Escanlar laban sa La Salle weapons na sina Angel Canino, Shevana Laput, Amie Provido, Jyne Soreno at senior high standouts Sandy Demain at Katrina Del Castillo.
Samantala, sisikapin ng Golden Tigresses na mahila ang kanilang winning run sa lima makaraang pangunahan ang Pool B kontra Pool A second seed Blue Eagles, na nasa two-game romp.
Target ng Lady Blazers, ang nag-iisang NCAA team sa playoffs, ang ikatlong sunod na panalo makaraang tapusin ang Pool D na may back-to-back wins. Hangad ng Lady Warriors na makabawi mula sa masaklap na five-set loss sa UST upang tapusin ang kanilang Pool B campaign.