SSL: LA SALLE RUMESBAK, DO-OR-DIE NAIPUWERSA

Laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre, San Juan)
4 p.m. – AdU vs DLSU

WINALIS ng De La Salle University ang Adamson University, 25-23, 25-12, 25-18, sa Game 2 ng best-of-three finals ng Shakey’s Super League National Invitationals kahapon sa Filoil EcoOil Center sa San Juan.

Muling nanalasa si Shevana Laput sa pagkamada ng 18 points sa 18 hits upang pangunahan ang pagresbak ng Lady Spikers matapos masayang ang kanyang 30-point eruption sa Game 1 sa 25-22, 17-25, 25-17, 25-27, 14-16 pagkatalo.

Nag-ambag si Amie Provido ng 13 points, gumawa si Thea Gagate ng 9, habang umiskor sina Maicah Larroza at Alleiah Malaluan ng tig6 points para sa reigning UAAP champions.

“Actually, ‘yun naman ‘yung sinabi namin sa kanila na hindi pwedeng pupunta tayo (sa laban) na magpapatalo tayo. Kailangan manalo.

Kailangan maipakita naman sa kanila na defending champion tayo sa UAAP,” sabi ni La Salle assistant coach Noel Orcullo.

“(Kailangan) maprove to them na hindi namin basta-basta ibibigay ‘yung panalo sa kalaban.”

Si Ayesha Juegos ang nag-iisang kuminang para sa Adamson na may 12 points. Siya lamang ang umiskor ng double digits para sa Lady Falcons, na naputol ang five-game winning run.

Nakatakda ang Game 3 ng finals ngayong hapon.

Samantala, sa unang laro ay winalis ng University of Santo Tomas ang kanilang serye kontra University of Perpetual Help System DALTA, 25-20, 25-21, 17-25, 25-13, upang kunin ang bronze medal.