PUMALO si Gia Maguilang ng Letran laban sa dalawang defenders ng CSB sa kanilang laro para sa bronze sa 2024 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals kahapon. Kuha ni RUDY ESPERAS
Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
2 p.m. — CSB vs Letran (battle for third)
4 p.m. — NU vs FEU (championship)
KINAILANGAN ng National University ng limang sets upang malusutan ang Far Eastern University, 25-22, 18-25, 25-19, 18-25, 15-13, sa Game 1 ng 2024 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals best-of-three Finals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Sumandal ang Lady Bulldogs kay Bella Belen, na kumamada ng 26 points mula sa 24 attacks at 2 blocks.
Kinuha ng Lady Bulldogs ang first set ngunit agaw bumawi ang Lady Tamaraws sa second set.
May tsansa sanang tapusin ng NU ang laro sa 4th set matapos makuha ang panalo sa third set ngunit hindi sumuko ang FEU upang makahirit ng deciding fifth set.
Nagbuhos sina Arah Ell Panique at Erin Pangilinan ng 15 at 14 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Bulldogs.
“I’m very happy na despite wala si Ate Sheena (Toring), Ate Aly (Solomon) and Vange (Alinsug) and other teammates ko na ‘di nakapaglaro, may mga rookies and mga teammates ko na talagang nag-step up na tinulungan ‘yung team para manalo today,” sabi ni Belen.
Maaaring kunin ng Lady Bulldogs ang korona sa isa pang panalo sa Game 2 ngayong Martes sa parehong venue.
Samantala, humabol ang College of Saint Benilde mula sa one-set deficit upang biguin ang Letran, 21-25, 25-21, 25-16, 25-17, at kunin ang Game 1 ng best-of-three battle for bronze series.
CLYDE MARIANO