Mga laro ngayon:
(Rizal Memorial Coliseum)
11:30 a.m. – Arellano vs Ateneo
2 p.m. – San Beda vs EAC
4 p.m. – FEU vs Adamson
MAGAAN na dinispatsa ng defending champion National University ang Emilio Aguinaldo College, 25-15, 25-7, 25-13, para sa ikalawang sunod na panalo at sumosyo sa Pool A lead sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship nitong Biyernes sa Rizal Memorial Coliseum.
Nasundan ng three-peat-seeking Lady Bulldogs ang four-set win kontra Ateneo de Manila University upang umakyat sa top spot katabla ang walang larong Arellano University (2-0).
Halos hindi pinagpawisan ang NU sa pagdispatsa sa Lady Generals sa loob ng 77 minuto upang mapalakas ang kanilang tsansa na makopo ang isang playoffs berth sa torneo.
Nanguna si Arah Panique para sa Lady Bulldogs na may 10 points, kabilang ang walo mula sa attacks habang nagdagdag sina Bella Belen at reigning tournament Most Valuable Player Alyssa Solomon ng tig-7 points.
Nagpakawala ang NU ng 41 kills laban sa 11 lamang ng EAC, nakalikom ng 10 kill blocks at sinamantala ang mahinang reception ng Lady Generals upang magtala ng 10 aces, tampok ang back-to-back service winners ni Panique upang selyuhan ang panalo.
Bagama’t lopsided ang panalo, ang Lady Bulldogs ay nagbigay pa rin ng 22 free points mula sa kanilang errors.
“Ang challenge ngayon is marami pa kaming errors and siguro work on sa mga kulang pa namin and kailangan pang i-improve,” sabi ni Panique, miyembro ng Alas Pilipinas.
Lubhang malakas ang Lady Bulldogs kung saan ang second set ay napanalunan nito sa loob lamang ng 20 minuto at pinangunahan nina Belen at Solomon ang crew na karamihan ay second stringers.
Nahulog ang Lady Generals sa 0-2 kartada kung saan apat na players nito ang nakapuntos, sa pangunguna ni Alessandra Razonable na may 5 points.