Mga laro ngayon:
(Rizal Memorial Coliseum)
1 p.m. –- UST vs Mapua
3:30 p.m. — CSB vs FEU
6 p.m. — Adamson vs SSC-R
LUMAPIT ang University of the East sa pagkopo ng isang puwesto sa susunod na round makaraang walisin ang Mapua University, 25-14, 25-20, 25-20, para sa ikatlong sunod na panalo sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Sumandal ang Lady Warriors sa kanilang lalim at lakas sa kabila ng pagkawala ni ace winger Casiey Dongallo upang pataubin ang wala pang panalong Lady Cardinals at manatiling walang talo sa ibabaw ng Pool B.
Umiskor si Riza Nogales ng 11 points mula sa 9 kills, 1 ace at 1 kill block upang pangunahan ang back-to-back straight sets wins ng Lady Warriors.
Nagdagdag si Jelai Gajero ng 9 markers habang nag-ambag si Yesha Rojo ng 8 upang punan ang scoring void na iniwan ni Dongallo, na hindi naglaro para sumailalim sa platelet-rich plasma injection sa kanyang kanang braso.
“People stepped up with Casiey out. Our first six and second six soring-wise we did well. Set-wise we won three straight but I feel like we still has a lot more skills to stretch, to work with and improve,” wika ni UE deputy coach Doc Obet Vital.
Magtatangka ang Lady Warriors sa sweep sa group stage sa pagsagupa sa University of Santo Tomas sa October 13.
Tumapos sina Alyanna Ong at Nadine Berces na may tig-6 points upang pangunahan ang Lady Cardinals, na nalasap ang ikalawang sunod na talo.
Samantala, mainit na sinimulan ng National University ang kanilang three-peat bid kasunod ng 25-12, 25-27, 25-16, 25-17 pagbasura sa Ateneo de Manila University noong Biyernes ng gabi sa Pool A.
Nagbuhos si Erin Pangilinan ng 17 points habang nagpakawala si Vange Alinsug ng 14 points para sa Lady Bulldogs, na nadominahan ang National Invitationals noong nakaraang Hulyo.
Nahulog ang Blue Eagles, pinangunahan ni Lyann De Guzman na may 9 points, sa 1-1.