SSL: LYCEUM PINATAOB ANG PERPETUAL; ATENEO SA PLAYOFFS

Mga laro bukas:
(Rizal Memorial Coliseum)
11:30 a.m. –- CSB vs SSC-R
1 p.m. –- Mapua vs Perpetual
3:30 p.m. — UP vs JRU
6 p.m. — Arellano vs NU

SUMANDAL ang Lyceum of the Philippines University kay veteran Johna Dolorito sa fourth set upang biguin ang pagtatangka ng University of Perpetual Help System Dalta na ipuwersa ang decider at maitarak ang 25-18, 25-15, 18-25, 25-22 panalo sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship nitong Miyerkoles sa Rizal Memorial Coliseum.

Naitala ng wing spiker ang 10 sa kanyang 16 points sa fourth frame, kabilang ang apat sa closing 6-2 run ng also-ran Lady Pirates upang mainit na tapusin ang kanilang Pool B campaign.

Nagtapos ang Lyceum na may 2-2 kartada.

Nagbanta ang Lady Altas na hilahin ang laro sa decider makaraang umiskor ng tatlong sunod na puntos, tampok ang kill block ni Cyrille Almeniana para sa 20-19 kalamangan.

Nag-take over si Dolorito kung saan umiskor siya ng tatlong sunod na puntos bago nagdagdag si Joan Doguna ng isang hit upang bigyan ang Lady Pirates ng 23-21 kalamangan. Humataw si Almeniana ng crosscourt kill upang tuldukan ang pagdurugo ng Perpetual subalit mabilis na sumagot si Dolorito ng isang hit bago bumanat si Janeth

Tulang ng off-the-block hammer upang tapusin ang laro.

Aminado si Dolorito na naging kampante ang Lyceum makaraang dominahin ang unang dalawang sets.

“Nag-struggle kami sa consistency namin especially sa set three medyo nag-fluctuate rin ‘yung service receive namin, yung defense namin hindi nasusunod pero yun naman ang inaayos namin sa training,” sabi ni Dolorito, na may 14 kills at 2 aces.

Nagposte si Doguna ng 11 points habang naitala ni Tulang ang lahat ng kanyang 10 markers mula sa attacks.

Nanatiling walang talo ang Perpetual sa tatlong laro sa kabila ng 19-point effort ni Almeniana, na naglaro na may iniinda sakit makaraang ma-sprain ang kanyang kanang bukong-bukomg sa fourth set.

Samantala, umabante ang Ateneo de Manila University sa playoffs makaraang walisin ang Emilio Aguinaldo College, 25-12, 25-21, 25-12, sa Pool A.

Umiskor si Jennifer Delo Santos ng 10 points habang nagdagdag sina Jihan Chuatico at Alexia Montoro ng tig-7 para sa Blue Eagles na nakopo ang ikalawang sunod na panalo para sa 3-1 win-loss finish upang samahan ang pool leader at defending champion National University sa susunod na round.

Makakasagupa ng Ateneo ang Far Eastern University, University of Santo Tomas at the second ranked team sa Pool C para sa isa sa dalawang twice-to-beat quarterfinals advantages na nakataya sa susunod na round-robin stage.

Tinapos ng Lady Generals ang kanilang kampanya na walang panalo sa apat na laro.