SSL: NU, FEU AGAWAN SA HULING FINALS SLOT

Mga laro ngayon:
(Rizal Memorial Coliseum)
3:30 p.m. –- Ateneo vs UE (classification)
6 p.m. — FEU vs NU (semis)

MAGSASAGUPA ang defending champion National University at ang undefeated Far Eastern University para sa huling finals berth sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship ngayong Sabado sa Rizal Memorial Coliseum.

Asahan ang mainit na knockout semifinal showdown sa paghaharap ng dalawang powerhouse squads sa alas-6 ng gabi para sa karapatang makalaban ang De La Salle University sa best-of-three championship series.

Ang Game 1 ng finals ay sa November 22.

Magsasalpukan naman ang Ateneo de Manila University at ang University of the East sa alas-3:30 ng hapon sa first phase ng classification round ng torneo na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.

Ang magwawagi sa pagitan ng Blue Eagles at Lady Warriors ay makakaharap ng College of Saint Benilde sa battle for fifth na nakatakda sa November 16.

Ang Lady Bulldogs at Lady Tamaraws ay magsasagupa sa rematch ng 2024 National Invitationals title series na napagwagian ng NU sa dalawang laro na kapwa dinesisyunan sa limang sets.
Determinado ang FEU na makabawi mula sa pagkatalo sa naunang torneo at sa pagsibak sa kanila ng parehong katunggali sa UAAP Season 86 Final Four, anim na buwan na ang nakalilipas.

Ang Lady Tamaraws ay galing sa pitong sunod na panalo, kabilang ang come-from-behind, 21-25, 25-20, 25-17, 25-17, quarterfinal triumph laban sa Lady Blazers noong nakaraang Linggo.

“Kailangan naming gawin is magtrabaho pa rin and gawin ‘yung mga sinasabi ng mga coaches. Maging consistent pa and magtiwala lang sa mga kasama,” pahayag ni FEU veteran winger Chenie Tagaod.

Si Tagaod ay susuportahan nina Alyzza Devosora, Clarisse Loresco, Gerzel Petallo, Jean Asis at setter Tin Ubaldo sa pagtatangka ng Lady Tamaraws na makopo ang breakthrough finals stint sa centerpiece competition ng SSL.

Samantala, gagawin ng Lady Bulldogs, ang lahat upang mapanatiling buhay ang kanilang three-peat hopes.

Dinispatsa ng NU ang University of the Philippines, 25-12, 25-22, 25-17, sa quarterfinal noong Linggo.

“Ang mindset namin is kailangan maayos pa namin ‘yung mga kulang and mas magtrabaho pa kami ng mas mabuti.

May mga lapses kami na dapat pang ayusin,” wika ni Lady Bulldogs assistant coach Karl Dimaculangan.

Pangungunahan ni reigning tournament Most Valuable Player Alyssa Solomon ang NU, katuwang sina veterans Bella Belen, Vange Alinsug, Erin Pangilinan, Sheena Toring at playmaker Lams Lamina.

Ang matatalo sa semis ay makakasagupa ng University of Santo Tomas sa one-game battle for third sa November 22.