SSL: NU, LA SALLE SISIMULAN NA ANG TITLE SHOWDOWN

Mga laro ngayon:
(Rizal Memorial Coliseum)
6:30 p.m. — La Salle vs NU

MAGHAHARAP ang three-peat-seeking National University at undefeated De La Salle University sa pinakaaabangang battle for supremacy sa pagsiklab ng 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship best-of-three finals ngayong Biyernes sa Rizal Memorial Coliseum.

Magsasagupa sa kapana-panabik na rematch ng title showdown ng inaugural edition, dalawang taon na ang nakalilipas, asahan ang umaatikabong bakbakan sa 6:30 p.m. match.

Umabante ang Lady Bulldogs at Lady Spikers sa finals ng kumpetisyon na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea, Grab Philippines, at Summit Water, sa magkaibang pamamaraan.

Sinibak ng NU, target na makumpleto ang season sweep matapos madominahan ang National Invitationals, ang dating walang talong Far Eastern University, 25-16, 19-25, 25-17, 25-22, sa knockout semifinal.

Pinangunahan ng lethal trio nina reigning MVP Alyssa Solomon, Bella Belen at Vange Alinsug ang panalo ng Lady Bulldogs laban sa Lady Tamaraws upang maisaayos ang isa pang epic clash sa koponan na nagpalasap sa kanila ng nag-iisa nilang talo sa kasalukuyan sa torneo.

Papasok ang NU, nasa ilalim ngayon ni bagong coach Sherwin Meneses, sa championship opener na gigil na makabawi mula sa four-set loss sa La Salle sa second round na pumutol sa kanilang kahanga-hangang 28-game win streak na nagsimula noong 2022.

“’Yung finals kasi siyempre iba na ‘yung atmosphere and level ng game so I think match naman ‘yung game,” sabi ni Meneses.

Sasandal din ang Lady Bulldogs kina Alexa Mata, Erin Pangilinan, Arah Panique, Sheena Toring at setter Lams Lamina upang makaresbak.

“Kailangan ma-limit namin ‘yung mga basic errors namin. ‘Yung ang no. 1 target namin na maiwasan, ‘yung basic errors namin,” dagdag pa ni Meneses.

Samantala, nalusutan ng La Salle ang University of Santo Tomas sa limang sets, 26-28, 25-19, 25-20, 21-25, 15-13, sa isa pang semis pairing upang hilahin ang kanilang winning run sa walo.

Pangungunahan nina Angel Canino, 2023 National Invitationals MVP Shevana Laput, Amie Provido at Jyne Soreno ang Lady Spikers sa kanilang pagbabalik sa gold medal round.

“Lagi naman naming sinasabi sa kanila na matibay ang makakalaban namin so kailangang mag-stick sila sa sistema. Importante na hindi mawala ‘yung pasa namin at ‘wag maubusan ng pasensya sa ginagawa,” wika ni La Salle assistant coach Noel Orcullo bago ang kanilang unang SSL championship meeting sa NU magmula noong winner-take-all final noong 2022.

Ang Game 2 ng finals at ang one-game battle para sa bronze sa pagitan ng UST at FEU ay lalaruin sa Linggo.

Ang SSL games ay ineere nang live at on-demand via Puso Pilipinas, SMART Livestream, Solar Sports Channel 70 sa Sky Cable at Channel 59 sa Cable Link.