STANDINGS W L
Pool E
La Salle 2 0
NU 1 1
UE 1 1
CSB 0 2
Pool F
FEU 2 0
UST 2 1
UP 1 1
Ateneo 0 3
Mga laro ngayon:
(Rizal Memorial
Coliseum)
11 a.m. –- NU vs UE
2 p.m. — UP vs FEU
5 p.m. — CSB vs La Salle
PAG-AAGAWAN ng defending champion National University at University of the East ang huling quarterfinals twice-to-beat advantage sa Pool E sa pagtatapos ng 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship second round ngayong Miyerkoles sa Rizal Memorial Coliseum.
Kapwa may 1-1 kartada, ang mananalo sa 11 a.m. match ay sasamahan ang unbeaten De La Salle University sa susunod na round na armado ng insentibo.
Samantala, target ng Far Eastern University ang Pool F sweep at ang quarters bonus laban sa University of the Philippines sa alas-2 ng hapon, habang magsasalpukan ang Lady Spikers at College of Saint Benilde Blazers sa alas-5 ng hapon. ang
Sisikapin ng three-peat-seeking Lady Bulldogs na sumakay sa momentum ng morale-boosting 25-11, 25-23, 25-13 sweep sa Lady Blazers noong nakaraang linggo upang tumapos sa top two ng round-robin stage papasok sa quarters.
“Kukunin namin itong panalo namin as an inspiration para sa mga next games namin para pagbutihan at gagalingan pa kasi may kaya pa kaming ipakita,” sabi ni NU middle blocker Alexa Mata.
Sina Bella Belen at Mata ang nagbida sa kanilang huling laro sa pagkamada ng 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod, kung saan nakabawi ang Lady Bulldogs mula sa four-set loss sa La Salle sa pagsisimula ng second round na pumutol sa kanilang 28-game winning streak magmula pa noong 2022.
Ang panalo ng NU kontra Saint Benilde ay magbibigay rin sa La Salle, may 2-0 record, ng unang quarters bonus outright.
Sasandal ang Lady Warriors sa explosive duo nina Jelai Gajero at Casiey Dongallo upang makabawi mula sa four-set loss sa Lady Spikers noong nakaraang Sabado at kunin ang twice-to-beat advantage.
Target ng La Salle na mahila ang kanilang winning run sa torneo habang wala pang panalo ang Lady Blazers matapos ang dalawang laro sa second round.
Sa Pool F, ang isa pang panalo ay magbibigay sa Lady Tamaraws (2-0) ng insentibo at ng isa pang quarters bonus sa University of Santo Tomas (2-1).
Dinomina ng FEU ang Ateneo de Manila University, 25-18, 25-18, 25-19, noong nakaraang Linggo.
Kapag nanalo ang Fighting Maroons ay mapupuwersa ang three-way tie sa 2-1, at ang tiebreaker ang magdedetermina sa top two teams sa Pool F.
Yumuko ang UP sa UST sa straight sets noong nakaraang Sabado.
Makakaharap ng top two teams sa Pools E at F ang third at fourth-ranked squads mula sa opposite pools sa crossover quarterfinals para sa puwesto sa knockout semifinals.