SSL PLAYOFFS LALARGA NA

Mga laro ngayon:  

(Rizal Memorial Coliseum)

11 a.m. – AdU vs FEU

2 p.m. – AU vs ADMU

5 p.m. – NU vs UST

PAPAGITNA ang undefeated squads National U, University of Santo Tomas, Adamson at Far Eastern U sa pagsisimula ng Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship Season 2 playoffs ngayong Sabado sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.

Magsasalpukan sa alas-5 ng hapon ang Lady Bulldogs at Golden Tigresses sa newly-formed Group E makaraang pangunahan ang kani-kanilang pools na walang talo.

Magsasagupa naman ang fellow unbeaten teams Adamson at FEU sa Pool F sa alas-11 ng umaga habang maghaharap ang Ateneo at Arellano sa Pool E sa alas-2 ng hapon. Ang iba pang koponan sa eight-team playoffs na magkakaroon ng carryover standings mula sa preliminary rounds ay ang University of the East at College of St. Benilde sa Pool F.

Subalit nakatutok ang lahat sa reigning champions Lady Bulldogs na target ulit ang malalim na playoff run upang sindihan ang dynasty sa torneo.

“Hindi kami puwedeng maging complacent. Hindi kami puwedeng mag-relax going into the playoffs. Mas competitive na dito at pataas nang pataas ‘yung level.

Iyon ang laging mindset namin,” sabi ni NU mentor Norman Miguel.

Dinispatsa ng Lady Bulldogs ang UE, San Sebastian College-Recoletos at Jose Rizal U sa Pool A ng prelims subalit mapapalaban sa bigatin ding Golden Tigresses, na winalis din ang University of Perpetual Help System Dalta, Letran at CSB sa Pool C.

“Ang kailangan namin ‘yung consistency ng laro namin. ‘Yun naman ang pinakaimportante. Mas magandang bakbakan na sa playoffs. Mas mataas ‘yung level. Kailangan lang namin i-level up pa ‘yung performance namin,” sabi ni coach Kungfu Reyes. Tulad ng NU at UST, isang koponan lamang ang mananatiling walang dungis sa isa pang mainit na bakbakan sa pagitan ng Adamson at ng FEU.

Winalis ng Lady Falcons, na tumapos na runner-up sa SSL National Invitationals at third sa SSL Season 1, sa Pool B ang San Beda, Arellano at Lyceum habang nadominahan ng Lady Tamaraws ang Ateneo, Emilio Aguinaldo College at Mapua sa Pool D.