SSL: SEMIS TARGET NG LADY SPIKERS, LADY TAMS

Mga laro ngayon:
(Rizal Memorial Coliseum)
11 a.m. –- FEU vs CSB
1 p.m. — La Salle vs Ateneo
4 p.m. — NU vs UP
6 p.m. — UST vs UE

PAKAY ng unbeaten teams De La Salle University at Far Eastern University ang semifinals tickets laban sa magkahiwalay na katunggali sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship quarterfinals ngayong Linggo sa Rizal Memorial Coliseum.

Armado ng twice-to-beat advantages makaraang pangunahan ang kani-kanilang pools sa second round, makakasagupa ng Lady Spikers ang archrival Ateneo de Manila University sa ala-1 ng hapon matapos ang showdown ng Lady Tamaraws at College of Saint Benilde sa 11 a.m. curtain-raiser.

Samantala, magsasalpukan ang defending champion National University at University of the Philippines sa alas-4 ng hapon habang magtutuos ang University of Santo Tomas at University of the East sa alas-6 ng gabi.

Ang Lady Bulldogs at Golden Tigresses ay armado rin ng insentibo makaraang magtapos bilang second seeds sa round-robin phase ng playoffs.

Ang La Salle at FEU ang nalalabing walang talong koponan sa centerpiece competition ng kumpetisyon, nagwagi sa lahat ng kanilang anim na asignatura sa torneo.

Paborito kontra inaalat na Blue Eagles, isa pang panalo ay lalapit ang Lady Spikers sa return trip sa finals matapos ang runner-up finish sa inaugural edition, dalawang taon na ang nakalilipas.

“Kailangan lang maging consistent sa loob kasi ‘yung sistema nandoon naman na eh. Dapat maging maayos din ‘yung communication,” wika ni La Salle coach Noel Orcullo.

Pinapaboran din ang Lady Tamaraws laban sa Lady Blazers, na walang panalo sa tatlong laro sa second round.
Samantala, walang plano ang three-peat-seeking NU na magkampante kontra Fighting Maroons.

“Alam namin na bawat game mahalaga lalo na’t makakalaban namin sila sa UAAP. Mataas ang respeto namin sa kanila kaya talagang pinaghahandaan namin sila,” ani Lady Bulldogs deputy mentor Karl Dimaculangan.

Sisikapin naman ng UST na makaulit laban sa parehong koponan na pinataob nito via reverse sweep sa first round.

Gayunman ay tiyak na gagawin ng handicapped squads ang lahat upang maipuwersa ang do-or-die para sa Final Four seat sa Lunes.

Ang mga mananalo sa quarters ay uusad sa knockout semis para sa puwesto sa best-of-three finals habang ang eliminated teams ay malalagay sa classification round. Ang battle for bronze ay isang one-game affair.