Mga laro sa Biyernes:
(Rizal Memorial Coliseum)
2 p.m. –- UST vs FEU
5 p.m. — CSB vs NU
MAGAAN na dinispatsa ng University of Santo Tomas ang Ateneo de Manila University, 25-11, 25-20, 25-17, para sa perfect start sa second round ng 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship nitong Linggo sa Rizal Memorial Coliseum.
Epektibong pinagana ni setter Cassie Carballo ang hitters ng Tigresses sa magandang ball distribution upang pataubin ang Blue Eagles sa kanilang 85-minute Pool F encounter.
Ang familiarity at chemistry ng UST ang naging susi sa kanilang panalo kung saan 12 Tigresses ang nag-ambag ng puntos.
“Sobrang laking factor for us ‘yung relationship namin outside the court. Nagsisimula ‘yun sa relationship namin outside the court and nadadala namin ‘yun sa loob. Kanina, naglaro lang kami ng buo,” sabi ni Carballo, na may 13 excellent sets at 3 points.
Kumana si Angge Poyos ng 17 points, pawang nagmula sa attacks, kabilang ang back-to-back hits para sa UST na nanatiling walang talo sa limang laro.
Nagdagdag si Jonna Perdido ng 9 points para sa Tigresses, nag-ambag si Regina Jurado ng 8, habang si Marga Altea ang tinik sa panig ng Ateneo sa kanyang presensiya sa harap ng net kung saan naitala niya ang tatlo sa kanyang 7 points mula sa kill blocks.
Binaligtad ng UST ang mga pangyayari makaraang maghabol sa 3-6 sa third frame, gamit ang mainit na 11–4 run para mabawi ang kontrol, 14-10.
Tinapyas ng Blue Eagles ang deficit sa dalawa, 14-16, bago bumanat ang Tigresses ng 9-3 run upang tapusin ang laban, kung saan sinelyuhan ni Poyos ang panalo sa isang matulis na crosscourt kill.
Nahirapan ang UST na ipagpag ang Ateneo sa second set makaraang dominahan ang opening frame.
Nagawang makipagsabayan ng Blue Eagles at naitabla ang iskor sa 20-20 sa second set matapos umiskor ng back-to-back points.
Tumapos si AC Miner na may 8 points, umiskor si Yvana Sulit ng 6, habang nagdagdag sina Lyann De Guzman at Bea Buena ng tig-5 markers para sa Ateneo.