Mga laro ngayon:
(Rizal Memorial Coliseum)
2 p.m. –- UST vs FEU
5 p.m. — CSB vs NU
HAHARAPIN ng streaking University of Santo Tomas ang Far Eastern University target na palakasin ang kanilang quarterfinals twice-to-beat advantage bid sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship ngayong Biyernes sa Rizal Memorial Coliseum.
Nakatakda ang laro sa alas-2 ng hapon kung saan pakay ng Golden Tigresses ang ikalawang sunod na panalo sa Pool F laban sa debuting Lady Tamaraws.
Samantala, sisikapin ng defending champion National University na makabawi mula sa pagkatalo, sa Pool E clash kontra College of Saint Benilde sa main game sa alas-5 ng hapon.
Sinimulan ng UST ang second round sa pagwalis sa Ateneo de Manila University, 25-11, 25-20, 25-17, noong nakaraang Linggo upang manatiling walang talo matapos ang limang laro makaraang walisin ang first round.
Handa si Tigresses head coach Kungfu Reyes sa mabigat na hamon laban sa 2024 National Invitationals runner-up at bronze medalist sa edisyon ng nakaraang taon ng centerpiece tournament ng liga.
“Kailangan maglaro nang maayos para manalo. ‘Di naman kami bago sa isa’t isa nakakailang laro na rin kami buong taon. Basta stick to the system lang and the rest will follow,” ani Reyes, na ginabayan ang UST sa runner-up finish noong nakaraang season.
Muling sasandal si Reyes kina winger Angge Poyos, na nagbuhos ng 17 points sa nakaraang laro, ace setter Cassie Carballo, Regina Jurado, Jonna Perdido at Marga Altea laban sa solid crew ng FEU, sa pangunguna nina Chenie Tagaod, Gerzel Petallo, Jean Asis, Clarisse Loresco at playmaker Tin Ubaldo.
Dinispatsa ng Lady Tamaraws ang Saint Benilde, San Sebastian College-Recoletos at Adamson University sa pagwalis sa Pool D.
Galing ang FEU sa dalawang linggong pahinga, habang sisikapin ng three-peat-seeking Lady Bulldogs na makabalik sa winning track matapos malasap ang 30-32, 25-14, 22-25, 25-21, pagkatalo sa De La Salle University noong nakaraang Linggo.
Ang pagkatalo ay una ng NU sa SSL magmula noong 2022, na pumutol sa kanilang 28-game winning streak.
Ang Lady Blazers ay galing sa 19-25, 18-25, 23-25 pagkatalo sa University of the East noon ding Linggo.