Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
9 a.m. –– FEU vs LPU
12 p.m. — NU vs Xavier University-NM
2 p.m. — Team Soccsksargen vs UB
4 p.m. — USC vs CSB
NAKAIWAS ang University of Santo Tomas sa maagang pagkakasibak matapos ang hard-earned, 25-17, 25-18, 28-30, 25-14 rebound win laban sa debuting Team Soccsksargen sa Pool B ng 2024 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals nitong Huwebes sa Ninoy Aquino Stadium.
Binubuo karamihan ng rookies na nais makakuha ng karanasan, sumandal ang Golden Tigresses sa malaking run sa fourth frame upang maitakas ang panalo kontra Mindanao-based rivals makaraang matalo sa extended third set at hindi maulit ang kanilang opening-day defeat sa University of Batangas.
Sumandal ang UAAP Season 86 runner-up sa 17-point effort ni Marga Altea upang tapusin ang group stage ng torneo na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Eurotel, Victory Liner at Mikasa na may 1-1 record para sa tsansang makausad sa knockout quarterfinals.
Nakakolekta si Altea ng 11 kills, 5 kill blocks at isang ace, umiskor si Sinson ng 13 points, habang bumanat si Kaizah Huyno ng 4 aces upang tumapos na may 11 markers para sa Tigresses, na bumawi mula sa masaklap na 16-25, 26-28, 25-17, 25-17, 16-18, pagkatalo noong Miyerkoles.
“Madami pa po kaming dapat na i-improve lalo na po ‘yung communication namin. As bago na team, super hirap sa amin lahat kasi coming from different schools and regions, lima lang kaming core ng UST GVT (girls volleyball team) kaya super hirap na i-pull lahat kami together. Pero nagagawan naman po namin ng paraan and sana magtuluy-tuloy ang ganito,” sabi ni Altea.
Nakakuha ang Team Soccsksargen, isang selection squad mula sa Southern Mindanao, ng 16 points mula kay Janelle Maignos habang umiskor sina Tresha Parong at Shendy Acebo ng 7 at 6 points, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, sinilat ng University of Southern Philippines Foundation ang Lyceum of the Philippines University, 25-19, 17-25, 25-23, 25-19, sa Pool C.
Nagtala si Ressel Pedroza ng 15 points upang pangunahan ang reigning CESAFI champion sa all-important win laban sa NCAA Season 99 third placers, at palakasin ang kanilang tsansa na umusad sa susunod na round.
Nakabawi ang Lady Panthers mula sa opening day 13-25, 15-25, 17-25 loss sa Far Eastern University upang tapusin ang group stage na may 1-1 marka.
Aabante ang Lady Panthers sa quarterfinals kapag tinalo ng Lady Tamaraws ang Lady Pirates sa Biyernes.