SSS, NAGBIGAY NG PANSAMANTALANG EXTENSION SA PAG-FILE NG SICKNESS NOTIFICATIONS, SICKNESS BENEFIT CLAIMS

SSS-2

INANUNSYO ng Social Security System (SSS) ang pansamantalang extension para sa pagpa-file ng sickness notifications at sickness benefit claims ng mga miyembro nito sanhi ng kanilang pagkakasakit simula Marso 1 hanggang Abril 30, 2020.

Ayon kay SSS President and CEO Aurora C. Ignacio, ginawa ito bunsod sa kasaluluyang krisis na nararanasan sa buong Pilipinas sanhi ng corona virus disease 2019 (COVID-19).

Sa ilalim ng temporary extension, ang employed members ay maaaring magpasa ng kanilang Sickness Notification Forms sa kanilang employers sa loob ng 60 days matapos ang araw ng kanilang confinement.

Ang mga employer naman ay binigyan din ng 60 days mula sa pagtanggap ng mga naturang forms ng kanilang mga empleyado upang maisumite naman ito sa mga tanggapan ng SSS.

Kabilang na rin dito ang Self-employed members (SE), Voluntary members (VM) at Overseas Filipino Worker (OFW) members na pinagkalooban din ng 60 calendar days upang maipasa ang kanilang aplikasyon sa SSS matapos ang araw ng kanilang confinement o pagkakasakit.

Samantala, ang mga sickness benefit claim para sa mga naratay sa kanilang tahanan at may hospital confinement na mayroong deadline sa loob ng naturang extension period, ay hindi naman babawasan o madi-disapprove.

Ipinababatid sa mga employer, gayundin sa mga SE/VM/OFW member na maaari silang mag-file ng kanilang mga sickness benefit claim hanggang Hunyo 30, 2020.

“Nauunawaan namin ang sitwasyon ng aming mga miyembro sa kasalukuyang krisis ngayon.  Bilang bahagi ng aming mandato sa pagbibigay ng seguridad at proteksyon sa panahon ng kanilang pangangailangan, kailangan naming magpatupad ng mga bagong paraan upang mapagaan ang pagtanggap at pagproseso ng kanilang sickness benefit claims.” pahayag ni Ignacio.

Bago ang pagpapalawig na ito, ang pagsusumite ng sickness notifications para sa mga employed member ay ginagawa sa loob ng limang araw at may dagdag pang limang araw para naman sa pagsumite ng mga employer sa SSS.  Ito ay kaparehas din sa SE/VM/OFW members para sa pag-file ng kanilang aplikasyon sa SSS.  Gayunpaman, ang mga OFW members ay mayroong 30 araw na palugit upang maipasa ang kanilang aplikasyon dahil na rin sa kanilang lokasyon at estado ng kanilang mga trabaho sa mga bansang kanilang pinaglilingkuran.

Samantala, ang takdang panahon ng pagsumite ng sickness benefit claims ay kailangang maipasa sa loob lamang ng isang buong taon mula sa huling araw ng kanyang pagkaratay, kung sa hospital, at sa loob din ng isang taon simula naman sa kanyang pagkakasakit, kung sa bahay lamang.

Hinihikayat ang mga employer na bayaran ng advance ang mga sickness benefit ng kanilang mga empleyado bilang isa sa kanilang pangunahing obligasyon sa ilalim ng Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018.

 

Comments are closed.