SSS NAKAPAGBIGAY NG P442-M SA EC PENSION BENEFIT ADJUSTMENT

sss

INANUNSIYO ng Social Security System noong Lunes na mahigit P442 milyon na ang naibigay ng ahensiya sa mahigit 17,000 pensyonado ng Employees Compensation (EC) matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtaas ng benepisyo sa EC noong nakaraang Mayo.

Bilang tagapamahala ng EC claims para sa mga pribadong empleyado, nakapagbigay na ang SSS ng P442.38 milyon  sa 17,619 EC pensioners bilang karagdagang benepisyo na P1,150 simula noong Enero 2017 hanggang Oktubre 2018, kasama na ang 13th month pension para sa 2017 at karagdagang P425 carer’s allowance kada buwan simula Mayo 2018 hanggang Oktubre 2018.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc, halos isang daang porsiyento na ng karagdagang benepisyo ang naibigay sa mga EC pensioner sa kanilang bangko noong Nobyembre 2.

“Mula nang matanggap namin sa SSS ang abisong naaprubahan na ni Pangulong Duterte ang karagdagang benepisyo para sa EC pensioners, kaagad naming inayos ang aming sistema na ipatupad ang pagbibigay ng karagdagang benepisyo. Ang pondo ay naibigay na sa aming mga partner-disbursing banks noong Oktubre 19, 2018,” sabi ni Dooc.

“Halos lahat ng mga kuwalipikadong EC pensioners ay nakatanggap na ng kanilang karagdagang benepisyo sa pamamagitan ng kanilang mga bangko matapos namin silang pakiusapan na agarang ipasok ang karagdagang benepisyo sa mga bank account ng mga pensyonado,” dagdag pa ni Dooc.

Base sa Executive Order No. 54. s. 2018 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Mayo 8, 2018, inaprubahan niya ang karagdagang P1,150 sa buwanang EC disability pension ng lahat ng EC permanent disability pensioners at mga kuwalipikadong beneficiaries sa pribadong sektor.

Ayon rin sa EO, ang halaga ng carer’s allowance ng mga EC permanent disability pensioners sa publiko at pribadong sektor ay itinaas din sa P1,000 kada buwan mula sa P575.

“Kailangang itaas ang mga benepisyo ng Employees’ Compensation Program (ECP) para umangkop ito sa panahon at matugunan ang pangangailangan ng ating mga manggagawa na napinsala dahil sa kanilang trabaho,” ayon sa EO.

“Ipinakita sa mga actuarial studies ng SSS (Social Security System) at GSIS (Government Service Insurance System) na kaya ng SIF (State Insurance Fund) na pondohan ang mga dagdag-benepisyo nang walang dagdag-kontribusyon,” dagdag pa nito.

Comments are closed.